kung tutuusin, sa kadalasan, tayo ay naghahanap ng kasiguruhan. naihahalintulad natin ang kasiguruhang ito sa pagdalumat sa kapunuan o ng kasiyahan. ngunit yaong konsepto natin ng kapunuan ay siya ding nagsisilbing limitasyon sa ating tunay na dapat matuklasan: ang kabukasan ng pagkilatis o ng pagkilala sa kung ano ang dapat na maranasan. kapag tayo ay nagmamahal, kinasusumpungan natin itong turingan na kapunuan sapagkat may kinahahantungan na kaligayahan. pansamantala ngunit kaligayahan pa ding matatawag. iminumungkahi nito sa atin ang kabuluhan ng nararamdaman sa panahong iyon. hindi iyon ang kapunuan, ang kapunuan, sa tingin ko, ay tunay na nakaangkla sa gahom ng nais masumpungan. yaong nauukol sa paghahanap-mismo ng uri ng kapunuan, yaong hindi nalalagasan ng kabuluhan.
ang pag-uukol ng kapunuan sa pagmamahal ay isang mahirap na konsepto na pinipilit nating dalumatin at pakahulugan. sa katunayan, hindi natin natutumbukan ang nais nating iparating, palaging may natatanging kakulangan. yaong kakulangan na iyon ang tunay na ka-ibigan ng pag-irog at pag-iisa.
ang pagmamahal ay isang damahin. hindi isang galaw ng pag-iisip o panukala ng sikolohiya. taliwas sa patunay ng mga axona at damang-likas. hindi ito pagmamahal kung makukulong sa ganoong uri. isa lamang itong pakiramdam na walang kabuluhan. damahin sapagkat mayroong gising na pagkilos upang madama ang dapat damhin. may pagkilala sa emosyonal na pakikihalubilo sa nadarama. iyon ang sa aking palagay kinauukulan ng pagmamahal.