Wednesday, May 2, 2007

Ano ang nauukol sa Pagmamahal?

ang akto at kilos ng pagmamahal ay isang pagtuklas sa isang uring nagkukubli at nagnanais manatili sa pagkakakubli nito. iilan lamang ang tunay na nakatutuklas dito ngunit mas lalong kakaunti ang nakakaunawa dito. hindi nais ng sulating ito na ipaunawa sa mambabasa kung ano ang dapat na pag-unawa sa pagmamahal, lalong hindi ito nagmumungkahi ng pananaw sa pag-unawa dito. bagkus ito ay isang pamamaraan lamang ng pagmumunimuni ng sumusulat, ng pumipilit na umunawa.

kung tutuusin, sa kadalasan, tayo ay naghahanap ng kasiguruhan. naihahalintulad natin ang kasiguruhang ito sa pagdalumat sa kapunuan o ng kasiyahan. ngunit yaong konsepto natin ng kapunuan ay siya ding nagsisilbing limitasyon sa ating tunay na dapat matuklasan: ang kabukasan ng pagkilatis o ng pagkilala sa kung ano ang dapat na maranasan. kapag tayo ay nagmamahal, kinasusumpungan natin itong turingan na kapunuan sapagkat may kinahahantungan na kaligayahan. pansamantala ngunit kaligayahan pa ding matatawag. iminumungkahi nito sa atin ang kabuluhan ng nararamdaman sa panahong iyon. hindi iyon ang kapunuan, ang kapunuan, sa tingin ko, ay tunay na nakaangkla sa gahom ng nais masumpungan. yaong nauukol sa paghahanap-mismo ng uri ng kapunuan, yaong hindi nalalagasan ng kabuluhan.

ang pag-uukol ng kapunuan sa pagmamahal ay isang mahirap na konsepto na pinipilit nating dalumatin at pakahulugan. sa katunayan, hindi natin natutumbukan ang nais nating iparating, palaging may natatanging kakulangan. yaong kakulangan na iyon ang tunay na ka-ibigan ng pag-irog at pag-iisa.

ang pagmamahal ay isang damahin. hindi isang galaw ng pag-iisip o panukala ng sikolohiya. taliwas sa patunay ng mga axona at damang-likas. hindi ito pagmamahal kung makukulong sa ganoong uri. isa lamang itong pakiramdam na walang kabuluhan. damahin sapagkat mayroong gising na pagkilos upang madama ang dapat damhin. may pagkilala sa emosyonal na pakikihalubilo sa nadarama. iyon ang sa aking palagay kinauukulan ng pagmamahal.

Tuliro

tunay ngang nakakatuliro ang umibig. madalas, kinalalampasan ang taong umiibig ng tunay na dapat katunghayan ng kahulugan ng pag-ibig. nariyan ang mangilanngilan na pagkakataong mayroong pag-aalinlangan, "mukhang walang saysay ang pag-ibig na sa aki'y bumubulag." madalas tayong katigan ng ganoong takot, na parang walang sumasapat, nawawagasan ng saysay ang ninanais nating turingang pagmamahal.

minsan, natatakot tayong ipaglaban ang gayong pagmamahal dahil sa nauugnay na pamantayan sa lipunan. nanatiling lihim ang tinuturingang pag-ibig na siya ding hungkagan ng damahin. bakit ang tao, nalulugmok sa takot at pagkabahala? parang walang sumasapat. minsan naman, mas malaki ang ambag ng tunay na umiibig sa iniibig, parang iisa lamang ang may akto at pagpaparamdam ng pagmamahal. palagi na lamang nagbibigay. sa katunayan, hindi naghahanap ng kapalit ang tunay na nagmamahal. ngunit, ayon kay sartre, at ito din ay aking pinaniniwalaan, "kapag ang tao ay nagmahal, nais niya ding siya ay mahalin pabalik." ito lamang, napakapayak ng nais kong patukuyan, h'wag kang matakot magmahal ng lubusan, dahil sa totoo lamang, iyon ang tunay na nakapagpapalaya. iyon ang nagbibigay-kahulugan...

h'wag mong hintayin ang pagkakataon na baka magsawa ang nagmamahal, na patuloy nang mawalan ng gana ang umiibig... naghihintay lamang siya ng bulong ng iyong pag-ibig... ito ang pagsubok ko sa iyo: suungin mo ang pag-ibig, managinip ka kasama ang iyong iniirog sa ilalim ng libo-libong mga tala... madidiskubre mo din ang hinuha kung bakit madaming nag-iibigan ang masaya kapag hindi sila bumibigay sa takot, kapag iginigitna nila ang kanilang payak na sarili sa dalawang naguumpugang mga bato, ng pamantayan at ng takot... umibig ka, at hayaan mong iyon ang magpakahulugan sa gawain...