…[A]t ang paglabas sa kinakukublihan ay
hindi lamang ginaganap ng meron na
nagpapaunawa sa tao kundi ng mismong tao
rin na umuunawa sa meron. Sapagkat
madalas matakot ang tao sa meron. Meron
siyang mga lihim na pag-urong. Nagkukubli
siya at baka siya matauhan sa meron.
Kaya’t sa kanyang
pagbabakas sa meron, hindi lamang
kailangan na magpakatuso siya at
magmahinahon, maglalakas-loob din siya
nang maitabi niya ang kanyang mga kalasag laban sa meron.
Mga kalasag na madalas lihim; hindi niya
napapansin na may mga paglaban sa meron, mga kalasag na nagkukubli sa mga
madidilim na lugar ng kanyang malay tao.
Ngunit […] ang talagang meron ay dapat
na ituring na nililigawan at nagpapakita, pinapaahon at umaahon sa liwanag…
mula sa dilim na kinakakublihan.
Roque Ferriols, SJ, Mga
Sinaunang Griyego
Paunang Salita
Sadyang kagila-gilalas ang ating
pagsusumikap upang kilatisin ang pag-iral at pagmemeron ng ating
kinapapaloobang mundo. Madalas ay hinahango natin ang ating sarili mula sa
pagkalugmok sa ating suhektibong interpretasyon ng mundo at ng ating pag-iral-mismo.
Kung tutuusin, umaasa tayo sa isang
kabuoang pag-intindi sa mundong ang pag-iral ay naaayon sa ating pagkilatis sa
katotohanan. Aletheia, “katotohanan.”
Pinagsusumikapan nating maabot ang kabuluhan ng ating pag-iral sa likod ng mga
pagkukubli’t paglilihim na hatid ng isang mundong lumilinang sa ating kaisipan
at pag-iisip.
Sa payak na pag-aaral na ito,
nilayon ng mananaliksik na, sa pamantayang pinagnilayan ni G. Daxter Beley,
linangin ang mga kaisipan ng mga palaisip ng apat na bahagdan ng paghuhubog sa
larangan ng pilosopiya: sinauna, medyibal, moderno at kontemporaryo. Sadyang
isang kaganapan ang matapos ang isang pag-intindi sa pilosopiya ng kaalaman,
epistemolohiya, sa pamamagitan ng isang paglalagom ng mga pilosopiya ng mga
palaisip ng nasabing mga panahon.
Kikilatisin ng pag-aaral na ito ang
pagsusumikap ng mga palaisip na ito na tuklasin ang kaalaman sa likod ng mga
perseptwal na kabagayan at mga simplistikong pag-uyam ng mga taong walang ibang
pinagnilayan kundi ang katotohanang mula saang sila’y makikinabang.
Nakakatuwang isipin, may mga taong lumalayong maghanap ng kahulugan mula sa mga
kabagayang payak at pansamantala.
Araw-araw, ating hinahagilap ang
katotohanan at layon ng ating patuloy na pag-iral, may kahulugan man o wala, ngunit sa likod ng pakikibagay na
ito, ating binibigyang-turing-mismo ang ating pag-iral. Ala-ala ang kakintalan
ng katotohanan at ang kabuluhan ng isang malikot na kaisipan.
Umaasa ang mananaliksik, na sa
maliit na ambag na ito sa talakayang epistemolohikal, na magkaroon tayo ng
isang pasimula sa tunay na pinagmulan ng ating pagkalito sa katotohanan at kung
papaano tayo paulit na nadapa sa paghahanap dito. Ang mananaliksik man ay
naghanap ng katotohanan, salamat sa taong pinag-alayan ng gawang ito, sapagkat
nagmula sa kanya ang kabuluhan ng likot ng aking pakiwari’t pagsusumamo.
Ating sisirin ang pagmemeron:
magmasid at mangilatis, sapagkat sa likod ng pagkalito, kikilos ang meron at
magbibigay-liwanag sa ating paghahanap at kabuktutan.
Ang mga siping nasa wikang Ingles ay
aking isinalin sa Filipino. Ano mang pagkukulang sa salin ay aking
responsibilidad.
EJQS
1 Yugto
Sinaunang Pilosopiya ng
kaGriyegohan
Kapag ang kanyang katha’y matinong
nanindigan sa katotohanan; at tulong pa ang kanyang idudulot sa masusing
pagkilatis sa sarili niyang sinulat; at ipinahahayag pa niya na siya ang may
kayang maglahad kung ano ang mga pagkukulang ng mismo niyang katha…kapag ganito
ang mga ginawa niya, hindi na karapat-dapat na siya’y tawagin ayon sa mga
nakaugaliang ngalan bagkus dapat siyang tawagin ayon sa kanyang talagang
pinananabikan.
Sokrates, sa Mga
Talastasan ni Platon, Phaidros 278 cd
Saan
Nga Ba Gawa Ang Ano?
Pupos
ng relihiyon ang kaisipang kaGriyegohan nang mga panahong ito. Madalas, ang
lahat ng bagay ay binibigyang interpretasyon sa pamamagitan ng mga paniniwalang
naaayon sa batas ng relihiyon. Lahat ay diyos. Ngunit sa likod ng mga
pakikitungong ayon sa relihiyon, may ilang katauhang ating matuturingang
malikot ang pag-iisip, at marahil sadyang humahagilap sa katotohanan. Sila
yaong mga tatawagin nating palaisip, gadfly.
Si Tales ang ating tinuturingan
bilang pinakaunang palaisip. Hindi sa
kakintalan at lalim ng pag-iisip bagkus sa kanyang pasinayang maghanap ng
kabuluhan sa mundong ating ginagalawan. Kumikilos ang kanyang kaisipan mula sa
paglikom ng ideyal na ang kabuoang nagbibigay sukob sa mga elemento sa mundo ay
tubig. Isang empiriko si Tales sa kalagayang kanyang hinatid, mula sa mga mito at alamat, ang mga
kaGriyegohan at ipanghalili ang paghahanap ng kahulugan.
Kanyang isinaisip, “kung mayroong
mga bagay na nagbabago, may mga kabagayang hindi
nagbabago. Mayroong isang kabuoang nagkakaisa sa likod ng mga pagkakaiba, isang
kaisahang kinukubli ng kapayakan ng pagkakaiba sa mundo.”
Sa talastasang epistemolohikal,
inihahayag na mahalaga ang kilatisin ang kaalamang bibigyang-turing bilang totoo. Sa kaso ni Tales na kanyang
kinuha bilang hilagyo na ang mundo ay gawa sa tubig, at nagmula sa tubig, hindi
ibig sabihin nito na isang kalokohan ang kanyang isina-isip. Bagkus,
bibigyang-kunsiderasyon natin ito di dahil
sa laman ng kanyang tanong kundi sa porma nitong pagtatanong ng palaisip na
ito. Nilagom bilang hinuha nito ang pagkakaangkla sa kadahilanang ang kanyang
testamentong, “lahat ng bagay ay tubig” ay di nalalayo sa kaukulang testamento
ng ating kapanahunan na “lahat ng bagay ay gawa sa atomos.”
Sa gayong kadahilanan, ang
talastasang kanyang pinasubalian ay ang ating pagsasaisip, at pagtatanong, kung
ano ba talaga ang pumapaloob sa lahat ng pagkakaiba.
Kanyang kinilatis mula sa kanyang
payak na epistemolohiya ang rurok ng pagtatanong
(tulad nang sa epistemolohiya: kalikasan ng kaalaman, pinagmumulan ng kaalaman
at paghusga sa kaalaman.) Nakasisiyang isipin na mayroong naglayong pumalaot
mula sa kinahuhumalingang mga mito’t alamat ng kaGriyegohan at humagilap sa
katotohanang kinukubli ng ating mga sariling katotohanan.
Sa kabilang dako, ang estudyante ni
Tales ay kumilatis na may kamalian sa pagsasaisip ng kanyang guro. Si
Anaximander, anak ni Praxiades na taga-Milesia. Kanyang isinaisip na ang
kabuoang sumusukob sa mundo ay hindi maaaring tubig sa kadahilanang kung lahat
ng bagay ay gawa sa tubig, dati pang bumalik sana ito sa pagiging tubig at kung
papaanong magbibigay kabuoan ang tubig sa kabaligtaran nito, apoy. Kung
kikilatising mabuti, dahil sa pasimulang pagtatanong ni Tales, nagbigay ito ng butas sa mga sumunod na palaisip na
kilatisin at husgahan ang pasimulang pagninilay. Tunay na talastasang
epistemolohikal ito.
Madami ang interpretasyon sa kanyang
mga labing testamento, isa na dito ang katotohanang maaaring nagbigay-daan ang
pagkakaiba para sa pagbuo ng isang dibersong kamunduhan. Hindi ito malayo sa
katotohanan. Ngunit sabi ng mga lumalaban sa kaisipan ni Anaximander, “kung ang
isang bagay na pinagsimulan ay hindi natin alam, paanong may magmumula dito?” Ex nihilo nihil, “mula sa wala ay walang
manggagaling.”
Ngayon, sa pasimulang pagtataka, na
isa marahil sa kilalang karakter ng isang palaisip, hinango natin ang ating
kaalaman mula sa pagkakalugmok sa pagpipigil ng pag-iisip. Limitado mang
masasabi ang ating mga pagsasaisip, naghahatid ito ng isang kabusugan sa ating
paghahanap. Ani nga, “hindi importante sa pilosopiya ang mga kasagutan, bagkus
mas may kabigatan ang mga katanungang ating pinsusubalingan.”
Si Anaximenes, isinaisip na sadyang
malaki ang katotohanang naisaisip ni Anaximander, ngunit, hindi ito naglalayong
ang elemento ay hindi natin alam. Bagkus ang elementong nagbibigay-kabuoan ay
hangin.
Sa kanyang pagrarason, kanyang
sinabi na “kung ang espiritu ay sa kalikasan nito’y hangin na kumakaisa sa
atin, gayon din ang hangin ang sumasantakip sa santinakpan.” Tipikal na
empiriko si Anaximenes sa kadahilanang kanyang binigyang-turing ang isang bagay
na sa kanyang palagay ay nagpapa-iral sa tao na sa kinalaunan ay nagpapa-iral
sa mundo. Bakit nga ba hindi? Kung tutuusin, sa kanyang epistemolohiya, kanyang
isinaisip ang induktibong pagrarason sa kadahilanang, kung ang tao ay buhay sa
pasimulang siya ay humihinga, gayon din ang santinakpan.
Tumungo naman tayo kay Pitagoras,
isang matematiko-palaisip. Sa pasimula, siya ay isang rasyunalistiko dahil ang
kanyang pilosopiya ay tigib ng ideyal na umaayon sa matematika. Para sa kanya,
ang kabuluhan ng kabuoan ay hindi nagmumula sa isang materyal na elemento tulad
ng sabi ng mga palaisip na nauna sa kanya, bagkus para sa kanya, ang lahat ng
bagay ay may-sa-numero. Kanyang inihayag na tinuringang diyos ang mga
elementong bumubuo sa kabuoan, ngunit sa palagay ni Pitagoras, na totoo,
perpekto ang diyos ngunit sa isip ng mga nauna sa kanya nagmistulang
pansamantala ang kalaliman ng pag-iral ng diyos kung ilulukob sa mga elemento
lamang. Sa kadahilanang ito, kanyang sinambit na mali ang mga naunang palaisip.
Sa kanyang palagay, upang
maisapatunay na ang isang reyalidad ay tama at nahihinuha, ito ay dapat
mabigyang-turing sa pamamaraang-matematikal.
Kanyang hinatid sa kaisipan na ang
kabuluhan ng kabagayan ay sumasakonsepto sa at isninasakonsepto ng matematika.
Sa gayong kadahilanan isinaisip ni Pitagoras na sadyang ang lahat ng bagay ay
matuturingan sa matematika tulad ng sa lahat ng penomena, pangyayari, ang mga
bagay na ito ay may sinusundang hinuha o pagkakasunod-sunod.
Kaisipang-kwalipikasyon ang
nagdidikta na ang sinusunod na pamantayan nito ay nakaangkla sa pagsusukat na
hated ng mga pormula ng matematika.
Kung sisikaping tingnan ng maigi,
kumikilos ng patungo sa komplikado ang bagay-bagay sa kadahilanang iba’t iba
ang pinasimulang pagninilay ng bawat palaisip. Nayayari sa katotohanan na kung
anong kaalaman ang sila’y umaayon, kanilang ibinabagay ang kanilang
pagsasaisip.
Tulad ng sa ating unang leksiyon sa
epistemolohiya ukol sa impluwensiyang nakaaapekto sa atin: sa pamilya,
kaligiran, ang humuhubog sa kinapapalooban ng ating kaisipan.
Sa palagay ni Pitagoras, higit sa
materyal na laman ng kanilang pilosopiya ay ang pagsukob ng mga kategorya ng
rason, batas sa matematika, sa kabuoan
ng paksa o suheto ng mga pangyayari. Sa gayong pagsasaisip, lumikas na mula sa
mga konseptong-di-maintindihan ang mundo: ngayon ay may pamantayang-ganap na,
matematika, na tulad nang sa musika may kaisahan.
Si Herakleitos ay tinawag bilang
“ang madilim” o ho skoteinos sa
kaGriyegohan sa kadahilanang masyadong negatibo ang pamimilosopiya ng palaisip
na ito.
Para sa kanya, ang lahat ng bagay ay
nagbabago, panta rei: “hindi maaaring
lumusong sa isang katawan ng tubig ng makalawang beses.” Sa kanya, ang
pagbabago lamang ang di nagbabago.
Sa kanyang isinaisip, ang
kaisa-isang tunay na mundo ay ang mundo ng “pagkakaiba” sa kadahilanang sa
pagkakaibang ito, hanap nila ang sustento ng bawat isa. Ayon nga sa labing
numero 111, “kagagawan ng sakit na masarap at maganda ang kalusugan, ng gutom
ang pagkabusog, ng pagod ang pamamahinga,” at labing numero 88, “iyong iyon rin
ang nasa atin: buhay at patay at mulat at tulog at bata at matanda, sapagkat
ang mga ito kapag napaganyan nagiging iyan; ang mga iyan naman kapag muling
napaganito nagiging ito.”
Ang konseptong “pagbabago” ang
orihinal na ambag ni Herakleitos sa pilosopiya ng kaGriyegohan. Kanya ding
inambag ang konseptong “logos” o aking isasaling sangkaayusan. Hindi matematika o numero ang humuhubog sa
pamantayang reyalidad, bagkus ang logos.
Nang lumaon, ang logos na ito ay
isasalin ng mga Katolikong palaisip, tulad ni Juan, bilang salita na tumutukoy sa Panginoong Hesukristo.
Ayon din kay Herakleitos, ang kabuoan
ay hango sa apoy sa kadahilanang ang lahat ng bagay ay nagbabago sa apoy. Ang
reyalidad ayon sa kanya ay “hindi binubuo ng mga bagay-bagay kundi ng isang
proseso ng pagbuo at pagsira: hari ang digmaan.” Madami ang nagsasabi na ang
konseptong “apoy” ni Herakleitos ay hindi isang bagay, bagkus ito ay isang
intinding-metaporikal na maaaring humalili sa kanyang konseptong “logos.” Para
sa kanya, kung alam ang logos, ibig sabihin ay alam ang katotohanan.
Sa labing numero 93, “ang pangulong
may tagapagsalita sa Delphoi, hindi nagsasabi, hindi nagtatago, ngunit
humuhudyat.”
Sa kabilang dako, may nagsabi,
“hindi, hindi natin kayang makayapak, ni isang beses sa isang katawan ng tubig.
Ito-ay. At walang lugar na hindi.”
Iyan ang mga salitang binitawan ni
Parmenides, palaisip na umapela sa kakulangan ng nauna sa kanya. Sinimulan niya
ang kanyang kaisipan sa konseptong ito-ay hindi bilang isang pasintabing
maka-karanasan, bagkus isang katotohanan ng kaisipan, ng rason na para sa kanya
ay di kayang taliwasin ng sarili. Kapag iyong hinayag na ang bagay ay hindi, halimbawa “walang umiiral,” iyo
na ding hinayag na ito-ay. Sa kadahilanang iyon nang naisaisip na ang hindi ay
umiiral.
Ayon pa sa kanya, yaon lamang
maisasaisip ang iiral dahil ang isang bagay na iyong isinaisip bilang di umiiral, na umiiral bilang di umiiral, ay wala. Mayroon lamang
pagmemeron sa kaukulan na ang pagmemeron ay di-nilikha, di-nasisira at
kapwa-totoo.
Kung ang pagmemeron ay, walang lugar na ito ay-hindi. Rasyunal ang pasimula ni Parmenides
na sa pag-iral ng meron, walang lugar na walang iniiralan ang pagmemeron. Sa
gayong pasinaya, imposible ang sinasabi ni Herakleitos na lahat ay nagbabago
dahil ang implikasyon nito ay kumikilos ang meron kung saan walang nagmemeron.
Sa katunayan, kanyang inihayag,
“iyong-iyon din ang mag-isip at magmeron.”
Sadyang malawak ang naging
imluwensiya ni Parmenides na sa kadahilanang isa sa kanyang mga estudyante, si
Zeno ng Elea , ay sadyang namaraang ipagtanggol
ang mga turo ng kanyang guro. Na, ayon sa kanya, “ang pakiramdam ay hindi
nagbibigay sa atin ng mga hudyat ng katotohanan bagkus ay panlabas na kaanyuan
lamang, na alalaombaga ay hindi kayang magbigay ng isang masasangguniang
kaalaman bagkus ay opinyon lamang.” Sa madaling sabi, upang marating ang
katotohanan ng kabagayan mas nais sanggunian ang daan ng kaisipan kaysa sa
pakiramdam.
Ambag din ni Zeno ang konseptong reductio ad absurdum, na ang ibig
sabihin ay walang argumentong ligtas sa pagkakamali. Tulad ng sa mosyon, upang
maabot ang isang pinto, kailangan kalahatiin mo muna ang daan patungo dito,
ngunit upang mangyari iyon ay kailangan mo munang kalahatiin ang kalahati ng
daan patungo doon, ngunit upang maisakatuparan iyon, kailangan mo munang
kalahatiin ang kalahati ng kalahati, at tuloy-tuloy. Ang implikasyon nito ay,
kahit na alam nating ang pagtungo sa pinto ay isang payak na kayarian,
nagmimistulang ito ay imposibleng mangyari dahil walang kapupuntahan katapusan
ang argumentong hayag ni Zeno.
Dala ni Parmenides at Zeno ang
dalawang krisis sa pilosopiya ng kaGriyegohan. Una, kanilang isinapilit ang
pagkakaiba ng impormasyon mula sa limang pakiramdam at yaong mula sa purong
kaisipan, kung saan mula dito ay yayabong ang konseptong rasyunalismo at
empirisismo. Ikalawa, kanilang inihatid ang pagsusuring-muli sa pasimula ng mga
naunang palaisip ukol sa isang kabagayang nagiisa sa lahat.
Lalagak naman tayo sa isa pang
kalipunan ng mga palaisip ng sinaunang kaGriyegohan. Ang mga pluralistiko. Una
sa grupong ito si Empedocles, na sa impluwensiya nina Parmenides at Zeno, ay
umayon na ang kabagayan ay binubuo ng kapayakan ng apat na elemento: apoy,
tubig, hangin at lupa. Ito ay kanyang tinawag bilang kinaugatang-apat. Ayon din sa kanya, upang tuligsain ang kritiko ni
Zeno ukol sa paggalaw, kanyang ginamit ang konseptong “pagmamahal” upang
tumuring sa pagkakaisa ng magkakaiba upang bumuo ng panibagong kabagayan, at
ang konseptong “kasiraan-kaguluhan” upang tumukoy sa naninira sa kaisahan.
Ayon sa kanya, ang prinsipyo ng
kaalaman ay nakaangkla sa kaparehuhang materyal sa pagitan ng obhetong
pinagmamasdan at ang ating pakiramdam. Sa gayong palagay, ayon sa kanyang
labing numero 109, “at sa pamamagitan ng lupa na ating nakikita ang lupa, at sa
hangin na ating kita ang hangin; sa pamamagitan ng apoy na ating nakikita ang
paninira ng apoy, at sa pamamagitan ng pagmamahal na ating nakikita ang
pagmamahal; at gayon ding ating nakikita ang kasiraan-kaguluhan dahil sa
kasiraan-kaguluhang ito.” Ito ay inayunan ni Aristotle sa kanyang gawa De Anima, “nalalaman ng kapareho ang
kaparehuhan.” Kung tutuusin, ating maayunan ang konseptong ito ni Empedocles sa
pagsasabing ang kabuluhan ng kaalaman ay bunga ng interaksyon sa pagitan ng mga
elemento ng kabagayan at ng elemento ng pakiramdam.
“Alalaombaga, ang lahat ng bagay ay
mayroong kaisipan sa pamamagitan ng kagustuhan ng isang magandang kapalaran.”
“Kulang itong kaisipan ni Empedocles,”
ani ng isa “masyado itong payak.” Pinagnilayang mabuti ni Anaxagoras na hindi
dapat kinaugatang-apat ang simulain at nagiisa sa mga kabagayan, bagkus binhing-walang-katapusan. Na, kung
titingnan natin ngayon ay umaayon sa ating konsepto ukol sa mga elemento sa
Kemistri. Ayon sa labing numero 10, “sa lahat ng bagay ay may bahagi ang
lahat…dahil papaanong magmumula ang buhok sa di buhok at ang laman mula sa di
laman?”
Sinang-ayunan ni Anaxagoras ang
konsepto ukol sa “galaw” at “pagbabago” ni Empedocles, pagmamahal at
kasiraan-kaguluhan, ngunit kanya itong pinalitan ng sarili niyang konsepto, ang
nous o “katalinuhan.” Ito ay umaayon
na ang lahat ng kabagayan ay mayroong sinusundang kaayusan. Ito ang
nagmimistulang diyos na sumasang-ayos sa mga binhi o elemento ni Anaxagoras.
Ayon sa labing numero 12, “ang katalinuhan ang nagsasang-ayos sa lahat na
umukol mula sa meron – yaong mga umiral na at yaong di na umiiral, yaong
umiiral sa kasalukuyan at yaong iiral pa, ito din ang bumubunga sa pag-ikot ng
mga tala, ng araw at ng buwan, ng hangin at ng ethros na nagpapakahiwalay sa
isa’t isa, ang pag-ikot na ito ang sanhi ng kanilang paghihiwalay.” Kung
susuriing maigi, ang nous lamang ang nagsisimula ng galaw, na sa kalaunan ang
mga kabagayan ay nagpapakaiba-iba tungo sa kanilang samo’t saring karakter.
Sa palagay ni Anaxagoras, may
pagkakaiba ang nous sa tao at nous sa mga kabagayan. Aniya, ang nous sa tao ay
sa loob niya nagmumula, sariling-kaayusan. Sa kabilang dako, sa kabagayan, ang
nous ay nagsasang-ayos mula sa labas. Ang nous ay
pareho-sa-lahat-ng-bagay-bilang-kaayusan, ngunit ito din ay naaayon sa
kalikasan ng katawang nito’y pinag-iiralan.
Sa pananaliksik ng mananaliksik,
kanyang nadiskubre na iilan lamang ang pasimulang tumutukoy kay Xenophanes. Sa
katunayan, ang pangunang sanggunian ng mananaliksik ukol kay Xenophanes ay ang
aklat na Mga Sinaunang Griyego ni
Roque Ferriols, SJ, at ilan-ilang sipi mula sa unang libro ng A History of Philosophy ni Frederick
Copleston, SJ. Ayon sa libro ni Copleston, si Xenophanes ang kinilalang nagtayo
ng eskuwela ng Eleatika na pinasubalingan ng kanyang mga estudyante kung saan
isa si Parmenides. Sabi naman ng iba, titulo lamang ang pagiging tagapagtayo ni
Xenophanes ng eskuwela ng Eleatika, kung saan nagmistulang patron lamang si Xenophanes, mascot kung baga.
Ayon sa aklat na ito, inihayag ni
Xenophanes sa labing numero 15, “kung mayroon lamang mga kamay ang mga baka at
mga kabayo at mga leon, at kayang magpinta gamit ang kanilang mga kamay, at
humubog ng isang kathang sining tulad nang sa tao, iguguhit ng mga kabayo ang
kanilang diyos bilang kabayo, ng baka bilang baka, at gawing kanilang katawan
sa hubog nang sa kanila at kanilang mga uri.” Kung ating titingnang maigi,
kinokondisyon ng tao ang kaurian ng bagay-bagay ayon sa kanilang kinamulatan.
Ang kaalaman ay nagiging suhektibo na ayon sa kalikasan ng kaalaman, tinutukoy
ang suliraning pinapaloob ang kaanyuan at reyalidad: isang mundo sa labas ng
ating pag-iisip.
Sa aklat ni Ferriols, inihayag niya
na “[A]ng tao, sinomang tao, ay nabubuhay sa daigdig ng hindi pagkaalam.”
Kanyang tinukoy dito ang kaisipan ni Xenophanes dahil sa pasinaya ni Xenophanes
na ang tao ay di binigyan ng diyos ng sapat na kaalaman upang malaman ang lahat
ng bagay-bagay. Tiniyak naman ng diyos na ang mga tao’y magkakaroon ng mga
hudyat ng mga katotohanang-kaalamang ito upang magsilbing gabay sa kanilang
patuloy na pag-alam.
Atin namang tunguin ang mga
atomistiko, sina Leucippus at Democritus. Unang-una, patuloy pa din nating
makikita ang pag-iral ng mga hudyat na konsepto nina Parmenides na ang
reyalidad ay binubuo ng maraming bagay. Na ayon kay Leucippus at Democritus, ay
tinatawag na atomos. Ang lahat ng bagay ayon sa kanila ay binubuo ng atomos, at
tulad ng sa katawan ang kaluluwa ay gayon din. Implikasyon nito na walang
pagkakaiba sa intelektwal at makabuluhang kaalaman. Ang kaalaman, intelektwal
man o makabuluhan, ay sanhi ng interaksyon ng mga atomos. May patuloy na
pagkilos ang mga atomos mula sa kabagayan at kung ito’y magpangabot sa
pakiramdam, nakikilatis ito ng kaparehong mga atomos sa katawan. Ayon nga kay
Aecius, “sinang-ayunan ni Leucippus at Democritus na ang pakiramdam at kaisipan
ay pagbabago ng katawan, sina Leucippus, Democritus at Epicurus ay kapwa
nagsabing ang pagtingin at kaisipan ay nagaganap kapag ang mga imahe’y nasok sa
pakiramdam mula sa labas sa kadahilanang walang maaaring makapag-isip o
makakita ng kabagayan ng walang impluwensiya ng mga imaheng ito.”
Lilinawing maigi na ang konsepto
nilang ito ay tumutukoy sa epekto ng ating pagtingin sa kabagayan at kung
papaano natin ito binibigyang-interpretasyon. Ang kaalaman ay impluwensiya ng ating
materyal na pagtingin o persepsyon sa isang bagay kung saan ating itong
malalaman kung ito ay ating nakita’t nahusgahan.
Kanilang tinuringan ang dalawang uri
ng pagtingin, yaong naaayon sa pakiramdam at yaong sa pag-intindi, na parehong
prosesong-pisikal. Kanila ding pinagkaiba ang dalawang uri ng kaalaman, ang
katotohanang-ganap at ang bastardo. Ang una’y tumutukoy sa pag-alam na nauukol
sa obheto, at ang ikalawa’y tumutukoy naman sa pag-alam na apektado ng
kondisyong pangangatawan ng taong tumitingin. Halimbawa, ayon sa libro ni
Stumpf, “tayo’y nakakita ng isang mansanas, na atin itong tinikman
(katotohanang-ganap sa kadahilanang di natin maikakaila na mansanas ang ating
tinikman) ngunit iba ang ating paglasa dito na sa aki’y matamis at sa iyo’y mapait
(bastardo.) Sa pakiramdam wala tayong alam na sigurado, bagkus isang bagay na
nagbabago depende sa kalagayan ng pangangatawan at sa mga kabagayang umaayon at
di sumasang-ayon dito.”
Sa kabuuan, hinatid ng mga palaisip
na ito ang sinaunang kaGriyegohan mula sa pagiging tigib sa relihiyon ng
kanilang panahon tungo sa pagtatanong at paghahanap kaalaman labas sa
relihiyon. Atin ding makikita ang mga pinag-ugatang konseptong hatid ng agham lalo’t
higit ang mga aralin sa pilosopiya sa ating panahon. Luma man at, masasabing
“walang kwenta,” ginising tayo ng mga palaisip na ito upang tukuyin ang
katotohanang sana’y bumabagabag sa atin.
Ang Mga Retoriko
Isang panibagong istratipikasyon na naman
ang ating kakaharapin sa ikalawang bahagi ng ating pasimula sa talastasang-epistemolihikal
ng sinaunang kaGriyegohan. Noong panahon ng Athenia, may isang kalipunan ng mga
“palaisip” na hindi naman tunay na palaisip, bagkus mga retoriko na tinawag na
mga sopist. Mga manlalakbay ito, ayon
kay Palmer, na naniningil sa tuwing sila’y magtuturo di lamang sa kalikasan ng
katotohanan, pati na din sa kapangyarihan at panghahalina.
Una sa mga sopist na ito si Protagoras, “ang
tao ang pamantayan ng lahat ng kabagayan, ng mga bagay na, nang sila, at ng mga
bagay na di, nang di sila.” Para sa kanya ang lahat ng bagay ay relatibo sa
suhektibong pag-iisip ng tao. Na ang implikasyon ay walang pamantayan ng tama o
mali
dahil naaayon sa tao kung ano ang tama at mali . Sa gayong palagay, imposible
ang madiskubre ang totoong kalikasan ng kabagayan dahil walang pamamaraan upang
linawin ang kaibahan ng kaanyuan at reyalidad, na isa sa pangunahing katanungan
sa epistemolohiya, lahat ay totoo. Ang
pasimulang ito ni Protagoras ukol sa suhektibidad, relatibismo at
pangangailangan ang pundasyon ng sopismo. Na ang lahat ng kaugalian ay dapat
sundin, di dahil ito ay totoo bagkus dahil kailangan.
Ang kaalaman ay limitado sa ating
iba’t ibang pagtingin kaya’t ang pagtingin na ito’y mag-iiba-iba sa mga tao.
Umaayon sa skeptisismo-indibidwalismo ang karamihan sa mga sopist na susunod
kay Protagoras.
Taliwas sa paniniwala ni Protagoras
na lahat ay totoo, para kay Gorgias, wala talagang katotohanang umiiral. Kanyang
sinabi na “walang umiiral at walang katotohanan na may katotohanan.” Iyan ang
pagkukulang ng mga skeptiko, para sa kanila, walang katotohanan na may
katotohanan, ngunit ang kanilang panimula bilang testamento ay katotohanang
umiiral para sa kanila.
Balikan natin si Gorgias, kanyang
inihayag ang tatlong bagay: mayroong wala; kung mayroon man, walang makaaalam
nito, at; kung mayroon mang makaalam hindi niya ito kayang isa-salita. Gamit
ang ikatlong pahayag, para sa kanya, ang salita ay simbolo lamang o ekspresyon
na di naman kayang laguming-buo ang sinisimbulo, alalaombaga, ang kaalaman ay
walang kakayanang maipahayag.
Ang ikatlong miyembro ng kalipunan
ng mga sopists ay si Thrasymachus, kung saan ayon sa kanya, “ang kapangyarihan
ay nag-uudyok ng tama.” Kung titingnang maigi, kanya lamang hayag na ang
konsepto ng “moralidad” ay nailagak na lamang bilang isang kagustuhan ng mga
mahihina upang umangat mula sa kanilang kinatatayuan.
Kung ano ang kagustuhan ng malakas o
makapangyarihang grupo ay sadyang dapat maging tama sa lahat. Ang moralidad sa
madaling sabi ay inangkla sa kapangyarihan kaya’t pesimistiko ang kanilang
pagtingin sa katotohanan.
Dalawa sa mga huling sopists na napagbasahan
ng mananaliksik mula sa libro ni Palmer na Looking
at Philosophy: The Unbearable
Heaviness of Philosophy Made Lighter, sina Callicles at Critias. Si Callicles
ay nagsabing ang nakasanayang moralidad ay isang pamamaraan lamang ng mga
mahihina upang pigilan ang mga makapangyarihan. Kanyang itinuro na dapat ay
isawalang-bahala ng makapangyarihan ang pagpipigil na ito dahil ito ang
nararapat. Kapangyarihan ang importante at hindi hustisya dahil hayagan nito
ang pananatili, pananatili sa paghahanap sa sarap ng buhay. Si Critias naman ay
nanniniwala sa panloloko sa pagsasabing ang katalinuhan ng isang pinuno ay
nasusukat sa kanyang pagpapapaniwala niya sa kanyang mga sinasakupan na
maniwala sa mga diyus-diyosang hindi naman umiiral o totoo.
Kung ating titingnan, ang hilagyo ng
sopismo ay konektado sa suhektibismo, skeptisismo at nikilismo. Yaong mga
pinasimulan ng mga palaisip ng naunang bahagdan ay naisawalang-bahala ng mga
sopists. Ngunit, ayon kay Palmer, may tatlong bagay na dapat tayong
bigyang-pansin na maganda ukol sa mga sopists: una, sila’y mga magagaling na
pulitiko na nag-ambag sa kasaysayan ng demokrasya; ikalawa, ang pagtalikod ng
kasaysayan sa kanila ay dala din ng mga sipi mula kay Sokrates at Platon na mga
katunggali ng mga sopists, at; ikatlo, hatid ng mga sopists ang panibagong
pagpopokus sa katauhan ng tao kung saan nakamalayan ng tao ang kanyang sarili.
Sokrates, Platon,
Aristoteles
Sino ba ang hindi nakakikilala kayna
Sokrates, Platon at Aristoteles? Kahit mga hindi nagpapakadalubhasa sa
pilosopiya ay kilala ang tatlong katauhang ito bilang pamantayan ng
pamimilosopo. Kung tutuusin ay napakalawak ng mga pinagnilayan ng tatlong pilosopong
ito na tila baga, nagmistula silang pangunahing sanggunian kahit ng mga
pilosopo ng ating panahon. Ayon nga kay Alfred North-Whitehead, “[A]ng buong
kasaysayan ng pilosopiya ay mistulang isang talababa kay Platon at
Aristoteles.”
“Ang isang buhay na di
pinagnilayang-ganap ay di tahasang maisakabubuhayan.” Iyan ang isa sa mga
pinakilalang kasabihan mula kay Sokrates. Wala talagang naisulat na gawa si
Sokrates, sa katunayan, ang mga bagay na ating nalalaman tungkol kay Sokrates
ay mula sa mga isinulat ng kanyang estudyante na si Platon sa kanyang Mga Talastasan ni Platon. Nakapaloob sa
gawang ito ang mga kasabihan ni Sokrates.
Sinundan ni Sokrates ang pasimula ng
mga sopists sa kanilang pag-aaral ukol sa katauhan ng tao. Kaiba sa pag-aaral
ng mga sopists, nilayon ni Sokrates na pagnilayan ang obhektibong
kahulugan-katotohanan bilang pundasyon ng isang argumento. Ayon sa kanya, “kung
ang tao ang pamantayan, ano nga ba ang ‘tao?’”
Dalawang direksyon ang
kinapupuntahan ng diskurso ni Sokrates: una, palabas na naglalayong magbigay ng
isang obhektibong kahulugan, at; ikalawa, paloob upang madiskubre ang kalooban
ng tao, ang kaluluwa na para kay Sokrates ay pinagmumulan ng katotohanan. Ito
ayon sa kanya ay isang pang-habang-buhay na saliksikin.
Dahil sa walang nailimbag na gawa si
Sokrates, ginawan ito ni Platon ng pagsasama-sama bilang talastasan. Tatlong
bahagi ang talastasan ni Sokrates: una, maghahayag siya ng isang suliranin sa
isang tao, kung saan ang taong ito’y maghahayag na alam niya ang kasagutan;
ikalawa, mahahanapan ni Sokrates ng pagkukulang ang argumento ng kanyang
pinagtanungan kung saan unti-unting maaninagan ng katangahan ang napagtanungan
at tiyakang aamin sa katangahan, at; ikatlo, isang kasunduan ang kawawakasan ng
dalawang “tangang” tao, at sadyang hahagilapin ang katotohanan ng tahasan.
Madalas ay bitin ang mga talastasang ito sa kadahilanang hindi ihahayag ni
Sokrates ang katotohanan dahil importanteng sila ang makadiskubre nito ng
pansarili sa pamamagitan ng isang proseso ng pag-alam. Ito ang kanyang
tinatawag na midwifery, kung saan ang
dalawang tao ay nagtutulungan upang marating ang katotohanan.
Ayon kay Sokrates, ang kahulugan ay
isang malinaw at ayos na konsepto na kahit madaming kaganapan, may isang aspeto
dito na nag-iisa. Ang totoong kaalaman ay higit pa sa pagkilatis sa mga
pangyayari. Ang kaalaman ay may kaugnayan na madiskubre sa pangyayari ang mga
elementong nananatili matapos itong maglaho. Tulad nang sa halimbawa ni Stumpf,
“ang isang magandang bulaklak ay umiiral, ngunit maaaring umiral ang konseptong
‘maganda’ nang wala ang bulaklak.” Para sa kay Sokrates, sa likod ng mundo ng
pangyayari ay may umiiral na kaayusan na nadidiskubre ng isip: na ang lahat ng
bagay ay may kinapupuntahan, sa wikang Griyego telos.
Dumako naman tayo kay Platon. Para kay Platon, lahat tayo ay may estado ng pagmemeron
na may kinaukulang estado ng kamalayan. Ang pinakamababang uri ng kamalayan ay
ang opinyon na may kinaukulang estado ng pagmemeron na imahe. Sa paningin ng
taong nasa ganitong kalagayan, ito ay totoo. Sa kabilang dako, ang pagmemeron
sa paniniwala ay kinakamalayan ng mga partikular na obheto na di natin
masasabing iyon-na-nga sa kadahilanang apektado pa din ito ng kaukulan ng
opinyon, hatid ng iba’t ibang interpretsyon na maaaring magmula sa ating iba’t
ibang pagtingin sa kabagayan. Upang maisapatunay na kaalaman nga ang isang
kamalayan, dapat ay nasa bahagdan ng pag-intindi, ang isang pag-intindi ay
hindi isang pagsasabuong-empirikal, bagkus ito ay isang mababang bahagdan pa din.
Higit dito ang ideya ukol sa porma kung saan nasok na ang tunay na kabuoan ng
isang kabagayan kug saan kabuoang rason na din ang ating kinagagamitan.
Inayon ni Platon ang mga bahagdan na
ito sa “Alegorya ng Yungib.” Para kay Platon,
ang porma ang basehan at pinagmulan ng lahat ng katotohanan. Isang halimbawa,
may nakikita tayong mga likhang-sining tulad ng sa kabundukan. Ang
likhang-sining na mga ito ay mayroong pinagbasehang tunay na entity na maaari
nating pakahulugan bilang maganda din base sa kagandahan ng likhang sining,
yayao tayo tungo sa pagsasa-konsepto natin ng kung ano ang “maganda.”
Alalaombaga, ang konsepto natin bilang “maganda” naaayon pa din sa kalaunang
konsepto ng “tunay-na-maganda-bilang-porma” na basehan o pinag-ugatan ng
konseptong maganda.
Makikita natin na maluluma ang
likhang sining, yayao at mawawala ang pinagmulan ng likhang sining at magiging
suhektibo ang ating pagsasakonsepto sa nga bagay na ito ngunit ang porma ng
kabuoan ay di mawawala, patuloy itong magiging.
Sa gayong palagay, ang pakiramdam-bilang-karanasan,
paniniwala at pagsasa-isip ay temporal na pasinaya ng pag-iisip, dahil hindi
itong mga ito ang tunay na kaalaman bagkus ito’y mga mababaw na kagayahan ng
katunayan. Ayon kay Platon, bilang sagot sa katanungang papaano malalaman ang
katotohanan, porma at “ang Mabait,” kanyang isinagot na ang kaalaman ay
nagmumula sa kaluluwa sa kadahilanang ang kaluluwa ay ipinganak nang may
katotohanan. Ang pagsasakatawan ng kaluluwa ay nagpakalimot para sa kaluluwa,
kaya’t kahit na alam na natin ang lahat ng bagay, hindi natin alam na alam
natin ang mga ito.
Sa madaling sabi, ang lahat ng
kaalaman ay pagsasaalaala. Sa
kadahilanang nasok na sa atin ang katotohanan sa pamamagitan ng kaluluwa. Gamit
ang kagawian ni Sokrates na midwifery,
ipinapaalala sa atin ang mga bagay na likas na sa ating pagkatao.
Tulad nga ng sa Meno ni Platon, “ang kaluluwa sa pagiging immortal at ipinanganak
na ng makailang ulit, kinita ang mga bagay na umiral, sa mundo mang ito o sa
kailaliman, ay may kaalaman sa lahat ng mga ito.
Sa Phaedo isinaad ni Platon na ang mga ideyang nasa sa atin ay ayos at
tama kaya’t hindi ito maaaring nagmula sa pakiramdam o karanasan, wala itong
maaaring pagmulang iba kundi mula sa dugsong nito at ng mundo ng ideya.
Ipinanganak si Aristoteles sa Stagira at nag-aral sa
akademya ni Platon. Nang maglaon, nang mamatay si Platon umalis mula sa
akademya si Aristoteles dahil sa di pagkakasundo sa mga bagong namumuno dito.
Nagtayo siya ng sarili niyang akademya, ang Liseo kung saan tinuturo ang
pilosopiya ni Platon, gayon din ang pamumuna rito.
Ang pangunahing udyok ng pilosopiya
ni Aristoteles ay ang pagpuna sa pagiging makaibang-mundo ng pilsopiya ni
Platon. Para kay Aristoteles mayroon lamang
isang mundo kung saan kanyang inihayag na papaanong ang hilagyo ng kabagayan ay
umiiral hiwalay sa kabagayan, at kung sila ang sanhi ng kabagayan, papaanong
umiiral sila sa ibang mundo? Isang importanteng kinaukulan ni Aristoteles ang
paghusga ni Platon sa pagbabago at galaw. Para
kay Platon, ang pagbabago ay yaong nakaangkla sa temporal the mundo ng
kinakikitaan, at ang mundo ng di-paggalaw ay yaong mundo ng porma na
di-nagbabago. Para kay Aristoteles, di-sapat
ang pang-ukol na ito.
Nilinaw ni Aristoteles, gamit ang
konsepto ni Platon, na ang porma at kaanyuan ay puwede lamang paghiwalayin sa
isip ngunit hindi sa katotohanan-bilang-pangyayari. Ang porma ay kaisa ng
kabagayan at sumasan-takip sa kadahilanang madaming kabagayan ang pupuwedeng
magkaroon ng kaparehong porma. Kanya itong tinukoy bilang kaanuhan. Halimbawa ay ang pagsasabing “Iyan ay aso.” Ang porma ay
ang hilagyo o kalikasan ng isang kabagayan, relatibo sa kanyang gawain, “ang
aso ay tumatahol.” Sa kabilang dako, ang kaanyuan ay umaayon sa kaituhan kung saan ito ay naisasaiba
mula sa ilan pang kabagayan. Ito ang tinukoy ni Aristoteles bilang kakanyahan.
Ang reyalidad aniya ay tigib ng madaming kakanyahan. Walang mundong hiwalay na
pinanggagayahan ng kaanyuan.
Naresolba ni Aristoteles ang
suliranin ng pagbabago sa pamamagitan ng konsepto potensyal at akto. Ang
potensyal ang maaaring maganap o mangyari sa isang bagay na posibleng maganap o
di maganap. Halimbawa, kapag tayo ay nakakita ng isang binhi, isinasaisip natin
na posible itong maging halaman, halaman na posibleng maging puno, puno na
posibleng mamunga at iba pa. Ngunit halimbawang habang binhi ito’y
nakursunadahan ito ng isang ibon at kinain tapos ang potensyal, tila naglaho
parang bula. Ang akto naman ang tumutukoy sa kaganapan ng isang potensyal.Para
kay Aristoteles, ang ating kaalaman ay sadyang ganyan, na nakaangkla sa
posibleng mangyari at sa nangyari dala ng karanasan at interpretasyon.
Sa kabilang dako, upang malaman ang
katotohanan, nakatuon dapat ang ating kaalaman sa reyalidad ng pakiramdam at di
sa sumasantakip sa kadahilanang ang reyalidad ng pakiramdamay konkreto sa
kalagayan, kung saan mula doon ay ating nababanaagan ang mga konsepto na
nagiging hudyat ukol sa mga kabagayan at
sa sumasantakip dito.
Sa loob ng kaisipan ng tatlong
importanteng palaisip na ito ating nakakitaan ang kabuluhan ng mga konseptong
isina- ng mga naunang palaisip. Puno ng kakintalan ang pagsasaisip ng mga
palaisip na ito na umaayon sa mga susunod pang mga palaisip, lalo na sa
makabagong panahon.
Sanggunian
Ferriols,
Roque, SJ. Mga Sinaunang Griyego
Palmer, Donald.
Looking at Philosophy: The Unbearable
Heaviness of Philosophy Made Lighter
Sapno,
Eduard J. Q. An Introduction to the
Ancient Greeks (Di-nailimbag na Gawa, San
Carlos Seminary)
Stumpf,
Samuel-Enoch. Philosophy: History and
Problems
Yarza, Ignatius.
History of Ancient Philosophy
2 Yugto
Pilosopiyang Medyibal
Dakila ka, O Panginoon, at kahihigit na
marapat papurihan; ang iyong kapangyariha’y malawak, at ang iyong dunong ay di
kayang tuusin. Kaya’t kaming mga taong kabilang sa iyong nilikha ay nasasabik
na ika’y papurihan – kaming dumadala sa aming katauhan, dumadala sa mga
ebidensiya ng aming pagkakasala at ang katunayan na iyong hinahadlangan ang
mapagmataas. Gayunpaman kaming mga taong kabilang sa iyong nilikha ay nananabik
pa ding ika’y papurihan. Iyo kaming pinupukaw nang sa aming papuri sa iyo kami
ay magsiya, dahil iyo kaming nilikha at pinalalapit kami sa iyo, at ang aming
mga puso’y di-matatahimikan hanggat hindi sa iyo namamahinga.
Iyo
sanang payagan na aking malaman at maintindihan, Panginoon, kung ano ang nauna:
ang tumawag sa iyo o ika’y papurihan? Makilala ka o ika’y tawagin? Dapat bang
ikaw ay aming kilala bago ka naming tawagin?
San Agustin, Ang
Pangungumpisal I, 1(1)
Nang Pumasok ang Diyos sa Pilosopiya
Kaiba sa pinagsimulan ng sinaunang
kaGriyegohan, naging puno ng relihiyon at naging isang importanteng aspeto ito
ng pilosopiyang medyibal. Sa katunayan, sa bahagdang ito ng pilosopiya tunay na
nakaangkat ng paniniwala sa Romano Katolisismo. Karamihan sa mga palaisip ng
bahagdang ito ay mga kilala ring teologo. Di hamak na nuong nagsimula ang
pilosopiya sa medyibal na panahon, pinanibago nito ang mukha at katusuhan ng
pilosopiya. Naisa-Kristiyano ang nuo’y mga paganong kaisipan.
Sa kanyang pag-aaral ng reyalismo ni
Platon, ganyang ginamit ang mga tipikal na argumento at terminolohiyang gamit
ni Platon. Kanyang sinang-ayunan na ang kaalaman mula sa pakiramdam ay
di-nagbibigay ng kaalamang-ganap, kaya’t ito ay nasa mababang bahagdan ng
kaalaman. Ngunit, hindi sa lahat ng punto sila’y nagkakasundo, tulad ng kay
Agustin na hindi niya isinasantabi ang kakayahan ng pakiramdam na maghatid ng
katotohanan sa kadahilanang ang pakiramdam ay kasamang nilikha ng Diyos at ang
kamunduhang-pinakikiramdaman nitong inihahatid sa ating kamalayan. Ang
pakiramdam aniya ay instrumento ng makaloob-na-tao, isip o kaluluwa na
nagbibigay-interpretasyon at humuhusga sa nakakalap na impormasyon. Kanyang
itinuloy na ang kataas-taasang katotohanan ay nakikita sa kalooban at
kadunungan. Dalawang katanungan ang nag-ugat dito: una, ano ang kalikasan ng
mga pangkaloob na katotohanan, at; papaanong nakakamalayan ito ng isip? Kanya
ngayong pinagkaiba ang dalawang obheto-kaalaman: una ay ang mga
pisikal-katotohanan na temporal, nagbabago at naisasa-pakiramdam, at; ikalawa
ay ang mga batas ng matematika na sumasantakip, di-nagbabago at nadidiskubre ng
isip. Kanyang sinabi na hindi ito likha ng tao bagkus ay mga obhetong-kaalaman.
Ano ngayon ang gumagabay upang malaman ang walang-maliw-na-katotohanang ito? Banal-na-kaliwanagan.
Ang banal-na-kaliwanagan na ito ang
kanyang sinasabing nagbibigay-daan upang ating madiskubre ang
pakiramdam-katotohanan, ang walang-maliw-na-katotohanan, porma at banal na
kaisipan. Ayon sa kanya, ang lahat ng tao’y nangangailangan ng ganitong
kaliwanagan upang malaman ang katotohanan. Kanyang idinagdag na kahit ang mga
taong di naniniwala sa Diyos ay kabilang sa naliliwanagan, kaya nga lamang ay
hindi nila ito sinasang-ayunan bilang Diyos. Ang konseptong ito ay di naman
ekslusibong relihiyoso’t mistikal. Dahil sa banal-na-kaliwanangang ito,
nagkakaroon ng pagkakataon ang taong makilala at malaman ang katotohanan,
lakbayin ang kalooban ng pag-iisip tungo sa kanyang pagtungo labas sa kanyang
sarili at pisikal na mundo. Sa pamamagitan nito, nababanaagan niya ang
kawalang-hanggan, tungo sa pagkilala sa Diyos.
Tinukoy din ni Agustin ang
suliraning pumapaloob sa pananampalataya at rason. Kanyang sinabi na hindi ito
magkaibang daan tungo sa katotohanan, sa kadahilanang hindi makakikilos ng
maayos ang rason nang walang pananampalataya. Kung ang rason ay walang
impluwensiya ng pananampalataya tatanggalan nito ng kabuluhan ang
pananampalataya at magmumukhang rason lamang ang pinangangailangan bilang isang
instrumentong walang kinikilingan, lumalagom ng impormasyon at isasaproseso ito.
Ang rason ay kilos ng buong pangangatauhan na apektado ng orientasyon ng puso,
kagustuhan at pananampalataya, na ang prosesong sa-isip at moral ay kapuwa
umeepekto sa isa’t isa. Sa gayong kadahilanan, kahit maliwanagan ng
banal-na-kaliwanagan ang tao upang maka-alam ng totoo, depende sa pagtanggap ng
puso at loob ang kaayusan nito tungo sa tamang daan at interpretasyon.
Sa tradisyon ng kaisipan ni Agustin,
pinaliwanag na dahil sa kasalanan ito ay nakasira sa ating kakayahang
makapag-isip ng diretso, at nangangailangan tayo ng grasya bago tayo
makapagrason ng naaayon. Implikasyon nito na kailangang naniniwala muna tayo
para mamilosopiya. Ang pangingibabaw ng pananampalatay sa rason. Isang palaisip
ang naghatid ng kompromiso dito, si Tomas ng Aquino.
Pinagkaiba ni Tomas ang dalawang
rehiyon ng kaalaman. Ang pananampalataya aniya ay kinapapalooban ng katotohanan
sa rebelasyon tanggap sa pamamagitan ng paniniwala. Ito ay nagmumula sa Diyos
patungo sa kamalayan ng mundo. Ang Banal-na-Sangtatlo, sakramento,
salang-orihinal at ang huling paghuhusga ay sangkap ng pananampalataya. Ito ay
maaari lamang malaman sa pamamagitan ng rebelasyon hatid ng paniniwala. Ang
rason sa kabilang dako ay katotohanang base sa kalikasan, tanggap sa
pamamagitan ng pagrarason base sa karanasan. Ang kilos naman nito’y mula sa
kaalaman sa kalikasan tungo sa Diyos. Kaalaman base sa karanasang-pakiramdam,
siyentipikong katotohanan, at katotohanang-ukol-sa-pilosopiya ay di kayang
malaman ng pananampalataya o rebelasyon. Halimbawa, ang salitang “puso” ay
pinagaaralan sa agham-buhay bilang parte ng pangangatawan na nagbibigay-buhay.
Sa Bibiliya, ito ay ginagamit bilang isang metaporikal o simbolikal na
pasinaya.
Si John Duns Scotus ay naniwala,
taliwas kay Tomas, na ang rason at pananampalataya ay dalawang tahasang
magkaibang uri ng pagsisiyasat. May hanggahan ang rason ayon sa kanya, kung
saan ang rehiyon ng rason ay hindi sumasakop sa kaalamang ukol sa
pananampalatay kundi pati sa mga diskusyong rasyunal ukol sa sa mga aspeto ng
kalikasan ng Diyos, banal na katalagahan at immprtalidad ng kaluluwa.
Pananampalataya lamang ang nagbibigay kasiguruhan sa atin sa kasangkapan ng
paniniwala.
Tinutukoy ng teyolohiya ang Diyos
bilang pangunang pagninilayan habang ang pilosopiya nama’y tinuturing ang Diyos
bilang kinasimulan ng lahat ng kabagayan. Nang tinuring ni Tomas na isang spekulatibong
disiplina ang teyolohiya, kay John Duns Scotus naman ay ang teyolohiya ay isang
agham-praktikal tungo sa pagsasaalaala ng mga kaganapang naayon sa kaligtasan ng
kaluluwa sa pamamagitan ng rebelasyon. Sa pananampalataya ay kayang turingan ng
tao na ang kaluluwa ay imortal at di nasisira; ang rason ay kaya lamang
maghatid ng hudyat ng explanasyon nito ngunit hindi kayang patunayan.
Tulad ni Tomas, realistiko ang
pilosopiya ni John Duns Scotus lalo na sa larangan ng persepsyon. Para sa
kanya, kayang kilalanin ng dunong at pakiramdam ang isang obheto, taliwas sa
sabi ni Tomas na ang sumasantakip lamang ang kayang alamin ng dunong base sa
pagkalap ng dala ng pakiramdam. Para kay John
Duns Scotus, ang sumasantakip ay di malayong mag-ugat sa kaisipang-tao. Bagkus
ito ay mayroon lamang kakaibang uri na kinabibilangan ng pare-pareho. Sa gayong
impormasyon, ito ang nagiging basehan ng katotohanang-esensyal sa kaalaman.
Tulad ng kay Bonaventure, inihayag
ni John Duns Scotus na ang kalayaan at pangunahin ng kalayaan sa pagdedesisyon
at akto ng pagmamahal ay mga bagay na higit sa dunong.
Kanyang hinayag na ang totoo lamang
ay ang indibidwal, ngunit may obhektibong reyalidad ang sumasantakip. Ang porma
ay dapat may bukod-tanging porma ng tao na tunay na may kakahyahang malaman,
gayon, ang kalikasang likas na sumasantakip ay ang indibidwal na kalikasan.
Sa kabilang dako, hatid ni William
ng Ockham ang dalawang ambag sa pilosopiya: una, ang kakintalan ng
kapangyarihan ng Diyos na umaayon sa ating pagsasaisip ng mundo. Kung ang Diyos
ay ganap-na-makapangyarihan, hindi niya nilikha ang mundo dahil kinakailangan,
bagkus ang mundo ay patuloy na umaasa sa kanya upang umiral; ikalawa, ang
pag-ayon sa isang radikal na empirisismo kung saan di na kinakailangang halukayin
ang pangangailangan sa isang rasyunal o hipotetical na pagninilay. Ang metodong
ito ay makikilala bilang Ockham’s razor
gamit ang pagpapatunay na di na kinakailangang umapela sa sumasantakip.
Hindi sinasang-ayunan ni William ang
konsepto ng “sumasantakip.” Ayon sa kanya, “walang bagay na kayang malamang
likas sa sarili, kung di malalaman ng lantaran.” Ang lantaran ay tumutukoy sa
ating pagtingin sa kabagayan at ang ating kamalayan ng ating
estadong-pangkalooban tulad ng gawa, saya, lungkot at kagustuhan. Ito ay
tinutukoy bilang kaalamang eksperimental
dahil nakaangkla ito sa mga obheto nito kung saan ating malilinawan kung ano
ang umiiral at kung ano ang hindi umiiral. Para sa kanya, ang sumasantakip ay
di-mismong “sumasantakip” dahil paanong magiging gayon kung wala naman itong
kongkretong pag-iral sa labas ng konseptong ito? Ang umiiral ay ang kongkretong
kabagayan na humihipo sa ating karanasan at pakiramdam.
Ang nominalismo ni William ay
“salitang-sumisimbolo” na teorya-ng-signos. Ang isang signos ay isang
elementong representasyon ng isang bagay na kaiba. Ito ang isa sa
pinakaimportanteng aspeto ng epistemolohiya ni William. Ayon kay William, may
dalawang uri ng signos: una ang likas na signos kung ang simbolo ay
representasyon ng sanhi nito, tulad ng “usok sa apoy,” at; ikalawa,
kumbensyunal na signos, upang tumukoy sa kulturang nag-aayong magsarepresinta,
magimbento ng ideyal, ng imaheng-mental. Halimbawa, Heidegger ay tumutukoy sa isang kilalang katauhan sa larangan ng
eksistensiyalismo, sa kabilang dako kapag sinabi kong pilosopo madami ang maaaring katauhang pumasok sa ating kamalayan.
Sa gayong panimula, hinango ni William na nagsasakonsepto tayo ng bagay ukol sa
pagsasasumantakip. Ang ekspresyong “ang lahat ng aso’y mabalahibo” ay pinasimpleng
pasinaya na “si Tagpi ay mabalahibo, si Blacky ay mabalahibo…” kung saan ang
ating pagsasakonsepto sa “aso” ay kinasusundan pa ng hiwalay na kaalaman uko sa
kanilang “kabalahibuhan.” Sa gayong palagay, ito ang isinantabi ni William
dahil para sa kanya ang kongkretong karanasan natin ukol sa “kabalahibuhan” ang
kasagutan mas higit sa pagsasakonsepto ng kung ano ang “mabalahibo.”
Ang pilosopiya ng mga palaisip na
ito sa medyibal na bahagdang ito ng pilosopiya ay sadyang komplikado na at
tali-taliwas ngunit hayagan ding tuluy-tuloy ang kaisipan. Sadyang naging iba
na ang pananalamin ng pilosopiya sa mukha ng pag-usbong ng Katolikong
pananampalataya. Tila baga nagmistulang Katoliko na ang paganong pag-iisip ng
mga palaisip ng sinaunang kaGriyegohan.
Ang relihiyon talaga, iba kung
manakop…patago. Sa simula, lumihis ang kaGriyegohan mula sa mga mito’t alamat
ngunit pagdating sa medyibal, Diyos ang hari. Ito ang sinasabing deus ex machina ni Aristoteles, kaya nga
lamang hindi ito tumutukoy kay Anaxagoras.
Sanggunian
Beley,
Daxter at Eduard J. Q. Sapno. A Brief
History of Medieval Philosophy (Di-nailimbag na Gawa, San Beda College)
Sapno,
Eduard J. Q. A Survey of the Middle Ages
(Di-nailimbag na Gawa, San Carlos Seminary)
3 Yugto
Ukol sa Kaisipan at
Pakiramdam:
Pilosopiya ng Modernong
Panahon
Ang kaisipan ng tao, sa isang bahagi ng
pangangatwiran, ay pinagkakataong pagmunihan ang ilang katanungan na hindi nito
kayang tanggihan, sa kadahilanang likas sa tao ang batuhin ng ganitong
pagmumunimuni. Ngunit hindi niya kayang bigyang-kasagutan ang mga katanungang
ito dahil nananaig ito sa kakayahan ng kanyang pagmamatuwid.
Immanuel Kant, Puna
sa Ganap na Pangangatwiran
Akin Itong Nararamdaman;
Ikaw, Naisasip Mo Na Ba?
Sa mahabang kasaysayan ng pilosopiya,
sadyang may hangganan ang pagtrato sa kaisipan at pag-aklas sa pinagmumulan ng
katotohanan. Unti-unting kumikilos ang pagiging komplikado ng pilosopiya mula
sa katauhan ng pakikibagay tungo sa pagsasa-problema ng pagsasa-pakiramdam at
pagsasaisip ng mga bagay na sadyang may dalang haplos sa pagmumunimuni. Ang
tao, walang kakayanang tumakas sa pag-alam. Siya mismo ay bunga ng kanyang
patuloy na pag-alam, hayag man sa kanya ito o hindi. Ito ang ikatlong yugto ng
payak na pananaliksik ng mananaliksik. Isang importanteng bahagdan ng pag-aaral
ng pilosopiya ang modernong panahon sa kadahilanang dito napagtitibay ang mga
sinaunang pinagmunihan ng sinaunang mga palaisip. Dito, ang pamimilosopiya ay
tigib ng kontrobersya, pagsasatanong at patuloy na pag-iwas sa kasagutan. Saan
nga ba tunay na nagmula ang kaalaman?
Si Francis Bacon ay isang pulitiko
sa propesyon at ating masasabing isang palaisip sa kinahiligan. Kanyang
pinaniniwalaan na ang tao ay mga interprete at alipin ng kalikasan, na ang
katotohanan ay hindi nagmumula sa nagahaharing-uri o yaong mga namumuno. Ang
kaalaman ay bunga ng ating mga pinagdaanang karanasan.
Ambag din ni Bacon ang
pangangatwirang induktibo, na kanyang tinawag bilang imperensyang-ampliyatibo.
Ayon sa mga lohiko noong mga panahong yaon, nakahuhulma sila ng mga konklusyon
mula sa pag-aaral ng mga partikular na kabagayan sa pamamagitan ng payak na
enumerasyon. Sa kabilang dako, ginamit ni Bacon ang induksyon sa pamamagitan ng
metodo ng pagsusuri ng kinapapaloobang kalikasan ng partikular na bagay na
pinag-aaralan at ipagsasatibay ng karanasan ukol sa kaparehong kabagayan kung tunay
ngang totoo.
Ikalawa, kaugnay ng naunang idolo,
may mga bagay tayong pinanghahawakang sariling mundo dala ng ating obhektibong
pagkilatis sa ating pag-alam. Tipikal sa tao na panghawakan ang isang bagay na
kanyang kinamulatan. Sa gayong kadahilanan, ang isip ng tao ay unti-unting
humihiwalay sa kabukasan ng pagsasaisip. Ito ay kanyang tinawag bilang “idolo
ng yungib.” Ating isinasara ang ating kamunduhan sa katotohanan ng
kalakhang-mundo na pumapaloob sa ating maliliit na mga mundo. Para na din
nating sinabi na “Ako lamang ang umiiral, ang mundo ay aking produkto.”
Ikatlo, madalas ay mayroon tayong
mga katauhang kinariringgan ng mga matatarok na mga bagay. Yaong ating
matuturingan bilang maalam. Ngunit kung susuriing maigi, walang laman ang
kanyang mga sinasabi. Ngunit madalas ay napapaniwala tayo. Ang mga taong ito ay
dinadala ng kanilang pasyon sa pagsasa-ekspresyon at hindi tigibang ang
kanilang kaalaman. Kay dami ng mga ganitong tao ngayon: basta may masabi na
lang. Tulad ng mga “ministro ng relihiyon” madalas, wala naman talaga silang
sinasabing bago pero nagmumukhang-maganda dahil maganda ang presentasyon. Ito
yaong mga tinatawag ni Bacon bilang “idolo ng palengke.”
Ang huli’t ikaapat ay ang
pagsasa-konsepto natin ng “pagsunod-sa-uso.” Ang tao, madaling mahalina sa mga
bagay na nauuso. Isang halimbawa dito ay yaong pagkagat sa kinahuhumalingang
kaisipan. Tulad noong dati, patok-na-patok sa San Beda ang kaisipan na ang
estudyanteng nagpapaka-dalubhasa sa pilosopiya ay walang Diyos at ang mga propesor daw ng pilosopiya ay nagtuturo ng ateyismo. Sadya bang ang pilosopiya ay
humuhulma sa mga taong-walang-Diyos. Napakababaw. Isa bang tradisyon ito na
hindi namin nalalaman? Iyan yaong mga taong hindi alam ang kanilang sinasabi
dahil nakikisunod lamang sila sa kaisipang kaiba ang mga namimilosopo, ang mga
palaisip na naghahanap-ng-kahulugan sa buhay na tila para sa kanila ay
bumabagabag sa pag-alam. Ang mga taong may kababawan sa pag-iisip ay ang
tinuringang mga “idolo ng teatro.” Mga taga-sunod sa uso na hindi man lamang
kinikilatis ang kanilang sinasabing alam nila.
Sa kabilang dako, isang palaisip ang
tumukoy sa tao bilang isang makina. Kanyang sinabi na ang kalikasan ng diwa ay
binubuo lamang ng mga kamukhaan at mga aksidente at hindi ito yaong mga-bagay-sa-katotohanan-ng-kanilang-sarili.
Tayo ay nabibigyan lamang ng hudyat ng kanilang pag-iral sa pamamagitan ng
ating pagramdam. Ang pakiramdam na ito ay nag-ugat mula sa ating katawan bilang
daan ng pagpapakiramdam. Si Thomas Hobbes ang palaisip na ito.
Ayon kay Hobbes, ang ating kaisipan
ay may sinusunod na kilos. Kanya itong tinuringan bilang kilos-sikolohikal.
Kanyang sinabi na ang tao ay may sinusunod na takbo-ng-pagsasaisip ngunit, may
kadalasang ito ay walang gabay at magulo sa kadahilanang hilig ang ating ginagamit
na pamantayan imbes na pangangatwiran kaya’t ang kadalasan ng ating pag-alam ay
nakaangkla sa suhektibong pag-intindi sa kayarian ng kabagayan.
Ang tao at hayop ay may inaasam na
epekto mula sa sanhi. Ating pagpalagay ang katotohanan na ang tao at hayop ay
kapwa kumakain, saan nagmula ang konsepto ng “pag-kain,” hindi ba’t sa konsepto
na siya ay “gutom” at bise-bersa? Ngunit, ayon kay Hobbes, tao lamang ang may
kakanyahang mangilatis-ng-hinaharap. Ang tao ay di kumikilos dala lamang ng
likas-na-simbuyo. Bagkus nagsasaisip ang tao. Kaya nga’t sinabi ni Hobbes na
ang karanasan ang pinakamagaling na tagapagturo. Sa larangan ng pagsasaisip
dalawang uri ng kilos-sikolohikal ang ating ginagamit: ang mga hudyat ng pagsasaalaala kung saan atin
pinapangalanan ang mga kabagayan upang ating maihatid ang pagkakakilanlan nito
sa ating kamalayan, at; ang ating pagpapaalam
ng ating kaisipan at hilig sa tao kung saan nagiging likas sa atin ang
ating pagsasaalaala. Halimbawa, ito ay pangunang ginamit ng mananaliksik sa isa
sa kanyang mga pagmumunimuni, may isang pagkakataon na ang mananaliksik ay
naglalakad kasama ang kanyang barkada mula sa pag-kain sa ikalawang-kalsada sa
may Concepcion Aguila. Sa kanilang paglalakad ay nadaanan nila ang isang
magandang babae na may pabangong halintulad sa iniregalo ng mananaliksik sa
isang importanteng babae sa buhay niya. Imbes na ang pokus ng mananaliksik ay
sa babaeng kanyang nakasalubong, bumaling ang kanyang kamalayan sa
pagsasaalaala sa babaeng importante sa kanya. Nagsisilbing hudyat ang gayong
mga bagay.
Noong modernong panahon, tipikal sa
isang palaisip ang maging magaling sa iba’t ibang disiplina: may pulitiko, may
siyentipiko, may matematiko. Marahil ang susunod na palaisip na
bibigyang-turing ng mananaliksik ay isa sa mga, kung di man siya ang,
pinakakilalang pilosopong mula sa modernong panahon: si Rene Descartes.
Bilang isang matematiko, sadyang
kaisipan na ni Descartes ang pagsunod sa isang istriktong metodo. Para sa
kanya, kung ang isang ideya ay hindi malinaw at hindi katangi-tangi, ito ay
hindi totoo. Upang maiwasan ang gayong
mga ideya, dapat ay: ating iwasan ang mga madaliang panghuhusga; bigyang-turing
yaong mga malinaw at katangi-tangi lamang; magsimula sa mga payak na kabagayan,
at; pagbalik-aralan ang mga mga bagay na naturingan na bilang totoo bilang
gabay upang maiwasang may nalampasang maaaring maging kakulangan sa pundasyon
ng pag-alam.
Maganda ang pasimula ni Descartes
ngunit may kakulangan nga lang din, o nasobrahan naman, dahil kanyang
tinuturingan bilang obhetong-matematikal ang mga bagay na di naman matematikal.
Para sa kanya, ang proseso ng
pag-alam ay paghahanap ng prinsipyo. Ang mga prinsipyong ito ay kailangang
maging: malinaw at katangi-tangi, dahil kung gayon ay mawawalan ng
pag-aalinlangan sa katotohanan nito; ang kaalaman ukol sa lahat ng bagay ay
kinokondisyon ng mga prinsipyong ito at wala nang iba, at; nag-uugat mula sa
prinsipyong ito ang kaalaman ukol sa mga bagay na nakaangkla sa kanila dahil
hayagang nakapaloob ito sa kanila.
Unang-una, si Descartes ay produkto
ng isang Heswitang institusyon, La Fleche, kaya’t tipikal na may kinikilingan
siya ukol sa katanungan sa Diyos. Para sa kanya alam ng Diyos ang lahat at tayo
bilang kanyang mga nilikha ay may kakarampot na kaalaman ukol sa pangunang
prinsipyo at sa pag-alam sa mga kabagayan. Sa kadahilanang suhektibo ang
pakiramdam, nagsisilibi ito bilang sagabal sa pag-alam sa prinsipyo, kailangan
natin ng tunay na pangingilatis. Ang mundo ay hindi produkto ng aking
pag-iisip.
Kanyang isinakonsepto ang
metodong-pag-aalinlangan dahil para sa kanya, kahit ang kasiguruhan ay hindi
ligtas sa pagdududa. Maaaring tayo ay kinakasangkapan ng isang Punong-Manloloko
na umaayon na sa tayo ay lokohin sa pamamagitan ng mundong ating ginagalawan.
Sa pamamagitan ng metodong ito ay unti-unting kikilatisin ni Descartes ang
nilalaman ng kanyang pag-alam.
Ayon sa kanya, ang pangunang
prinsipyo ay ang pinaka-malinaw at katangi-tanging konsepto dahil dito
nagmumula ang ating pag-alam sa lahat ng bagay. Para sa kanya, ang kanyang akto
ng pagdududa at pag-aalinlangan ay humuhudyat ng kanyang pag-iral, “Ako ay
nag-iisip, samakatuwid ako-ay.”
Ngunit akin lamang naturingan na ako ay isang nag-iisip hindi sa ako ay may
katawan. Sa unang bahagdan na ito ay naturingan ang pag-iral ng isang
nag-iisip.
Sa kabilang dako, nais turingan ni
Descartes ang pag-iral ng Diyos. Para sa kanya, ang ating ideya ng perpeksyon
ay kinakailangang may obhektibong
reyalidad. Sa kanya, ang Diyos ang ating pinagmulan at kung tayo ay umiiral,
umiiral din ang Diyos dahil hindi maaaring may higit na bunga kaysa sa sanhi,
ang Prinsipsyo ng Pagmumula. Kung ang
Diyos ay perpekto, na siyang-siya talaga, hindi siya pupuwedeng maging
manloloko dahil ang panloloko ay isang kakulangan.
Ukol naman sa katotohanan at
kamalian ng mga testamento, ayon kay Descartes, ang tao ay nagkakamali at hindi
natin kailangang isisi sa Diyos ang kakulangang ito dahil sa katotohanang tayo
ay nilikha lamang niya ay sapat na dahilan nang imperpekto tayo. Tanong ni Descartes,
sa gayon, tayo ba ay isinumpa sa pagkakamali? Ang sagot niya ay hindi. Ang
pagkakamali ay umaayon lamang sa paghuhusga. “Ang mga ideya,” ayon sa kanya “ay
hindi mali
o tama: nagiging mali
o tama lamang ito kung ito’y ating di sasang-ayunan o sasang-ayunan.” Tayo ay
may kakayanang magpaka-loob kung ano ang nais natin sang-ayunan at di
sang-ayunan.
Kanya uling binalingan ang pag-ayon
sa pag-iral ng Diyos. Para sa kanya, ang kadahilanang perpekto ang Diyos ay
sapat nang dahilan na siya ay umiiral dahil isang pangangailangan ang pag-iral
sa perpeksyon. Sa gayong pag-ayon ay binigyang-hustisya ni Descartes and
konepto ni Anselm, “argumentong-ontolohikal,” at ni Tomas ng Aquino, quinquae viae.
Sa panghuli, kanyang
binigyang-turing ang pag-iral ng materyal na mundo ng tao. Ang ekstensyon ay
isang ideya. Sa ating pagpapakiramdam ukol sa pagkita, ang ating persepsyon sa
isang katawan ay umaayon sa ating ideya na tayo ay may nakitang imahe ng
katawan. Ang isip ay kinakailangang maging kaisa sa katawan dahil kung hindi,
ang pag-iral ng gayong kaisipan bilang sensasyon ay hindi kayang
bigyang-turing.
Ayon sa kanya, ang Diyos ay may
walang-katapusan na katangian, kaya nga lamang, dalawa lamang ang may
kakanyanan nating malaman, ekstensyon at isip. Maaari nating turingan ang Diyos
kung ano ang hindi siya dahil hindi
natin kayang lagumin ang kabuuan ng isang ganap na pagmemeron.
Para sa kanya, ang reyalidad at ang
ating pakiramdam ay nagkakataon kaya’t ang ating ideya ay umaayon sa kung ano
ang katotohanan-bilang-pangyayari. Ang kaalaman bilang sanhi ay umaayon sa
kaalaman ng bunga. Tulad nang pagsasabing kung bunga ni A si B ay kapwa na ding
sinasabing kaya umiiral si B ay dahil kay A. Dala ito ng pagdepende ni B kay A.
Samakatuwid, base sa rasyunal na pangangailangan, si B ay maisasairal lamang
kung aayon sa pagkaangkla kay A. Halimbawa, ang anak (B) ay kinikilatis sa
pamamagitan ng magulang (A). Walang pag-iral ang anak kung walang magulang.
Tiyak na ikagagalit ito ng mga
empirisista sa kadahilanang tinanggal ni Spinoza ang sanhi mula sa mundo at
inangkla sa ating pagsasaisip. Ang pag-iral ng mundo ay umaayon sa ating
pagsasa-isip ng mga malinaw at katangi-tanging ideya bilang pamantayan ng ating
kaalaman. Wala nang mas hihigit pa sa premisong pinagmumulan ng pangangatwiran.
Sa pagmamatuwid na ang isang katotohanang malinaw ay isang pagyao mula sa ideya
tungo sa reyalidad ay sapat nang paraan na ang mundo ay umiiral bilang malinaw
at representasyon ng ideya natin ukol dito.
Ginamit ni Spinoza ang isang
kaisipan ni Maimonides, na “aking naiintindihan na ang sanhi ng sarili kung
saan ang hilagyo ay kinakailangang umiral at ang kalikasan ay di kayang
pakiramdaman kung hindi umiiral.” Nagmula dito ang tatlong pagsasaisip ni
Spinoza ukol sa diwa, moda at katangian.
Ang diwa ay yaong nasa-sa-kanyang
sarili at kinakayanang makilala ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang
sarili. Para kay Spinoza, ang gayong bagay ay
umiiral nang walang inaasahang pag-iiralan. Umiiral ang diwa dala ng
pangangailangan. Ang moda sa kabilang dako ay umiiral na dumedepende sa
pinag-iiralan nito. Wala itong independenteng pag-iral. Para sa kanya, sa
kadahilanang wala tayong kapasidad na umiral ng mag-isa, dahil umiiral tayo sa
pamamagitan ng Diyos, ay moda lamang tayo ng isang Banal-na-Diwa. Ang katangian
naman ay ang bagay na isinasaisip ng kaisipan bilang hudyat ng hilagyo ng diwa.
Ayon kay Spinoza, apat ang bahagdan
ng pag-alam: ang opinyon ang pinakmababa sa kadahilanang pasyon ang umiiral
dito; agham ang malinaw at katangi-tanging ideya na pumapaloob sa kaibahan sa
mundo; ang pilosopikal, at; ang pagmamahal sa Diyos.
Para sa kanya may sapat na identidad
ang kabagayan kaya’t kanyang inihatid ang konsepto ng Prinsipyo ng Identidad. Sa ating pagkilala sa identidad na ito ay
ikinakaiba natin ito mula sa iba pang mga pag-iral. Ang sapat na pag-alam sa
isang bagay ay masasalamin sa ating pagkilatis sa dahilan ng pag-iral nito
kaya’y hatid niya ang Prinsipyo ng Sapat
na Dahilan. Ang lahat ng bagay na umiiral ay may dahilan sa pag-iral. Sa
kabilang dako, ang mga dumidipendeng kabagayan ay walang kakayanang maghatid ng
katotohanan dahil hindi natin kayang kilalanin ang hilagyo ng mga ito. Ang
lahat ng bagay ay iniiralan ng isang pagmemerong labas sa dumidipende. At ang
dahilan sa likod ng pag-iral ang perpeksyon ng ating pag-intindi sa diwa ng
kabagayan.
Ito ay isina-konsepto ni Leibniz
bilang “monads.” Ang mga monads na ito ay sumasalamin bilang maliliit na mundo.
Gumagalaw ang mga ito dala ng isang kaayusan na umiiral. Para
maging isang indibidwal, kinakailangang maging kaisa nito ang kanyang sarili.
Ang mga monads na ito ay repleksyon ng iba.
Ang perspsyon ng mga monad na ito ay
representasyon ng mga komplikadong materyal o kung ano yaong panlabas ng isang
payak na bagay. Para kay Leibniz, mayroong
isang monad na pamantayan ng lahat. Ang pagkakasunod-sunod ng mga persepsyon
dito ay ginagabayan ng isang pagkilatis tungo sa isang kapupuntahan. Tulad ng
ating pag-alam, inaayunan tayo nito tungo sa isang kapupuntahan, telos.
Ang ating karanasan ay nakaangkla sa
atinmg kamalayan, tulad ng mga monads, dahil ang kamalayan nila ay kamalayan ng
kanilang sarili tungo sa pag-alam sa ibang labas sa mundo nila. Ang monad
bilang representasyon ng mundo ay kumikilatis, sa kabilang dako, ang monod
bilang isang indibidwal ay kumikilala sa sarili nito bilang isa ay apetitibo.
Spiritwal ang mga monad, nagbibigay-daan upang magmunimuni. Nakaangkla sa galaw
na ito ang ating paghuhusga.
Sa kabilang dako, para kay John
Locke, ang pangangatwiran ang pinakahuling tagahusga at gabay sa lahat ng
bagay. Limitado ang ating pag-intindi sa kabagayan at nagmimistulang kakulangan
lamang ang ating mga nalalaman. Aniya, kinakailangang may pag-iingat at
sinseridad ang ating paggamit sa ating pangangatwiran, kung gayon, ating
malalaman at paniniwalaan ang nararapat, na umaayon sa kapwa kinaalamanan ng
ibang tao may sinseridad at pag-iingat sa parehong pag-alam.
May dalawang pinagmumulan ang
kamalayan ayon kay Locke: ang sensasyon kung saan ating nadadama ang mga
panlabas na obheto, at; pagmumunimuni, kung saan ating kinikilatis ang pagkilos
ng ating kaisipan. Para sa kanya, ang mga payak na ideya ay iisang kaanyuan
lamang, “atomos ng kamalayan” ang tawag niya dito. May apat na uri ang payak na
ideya: payak na pakiramdam ukol sa naramdaman; payak na intindi ukol sa
pagkilos ng ating isipan; mga kalidad na nadidiskubre sa pamamagitan ng higit
sa isang pakiramdam tulad ng ekstensyon, pigura, galaw at pamamahinga, at; mga
ideyang mula sa sensasyon at pagmumunimuni. Ang salimuot na mga ideya naman ay
binubuo ng iba’t ibang bahagi ng mga payak na ideya na tinuturingan sa tatlong
pamamaraan: diwa, na nahahati sa payak at kolektibo; moda, at; relasyon.
May kaugnayan ang mga ideyang ito
ukol sa pangunahing kalidad at sekundaryang kalidad. Ang nauna ay ang ating
persepsyon ukol sa ekstensyon at panglabas na pagdalumat sa isang bagay.
Halimbawa, kapag ako ay nakakita ng mansanas, alam kong mansanas iyon at akin
agad kinakansela na may posibilidad iyong maging atis, mangga atbp. Sa kabilang
dako, ang sekundaryang kalidad ay ang ating suhektibong intindi ukol sa isang
bagay. Ang halimbawa ng mansanas, akin nang napatunayan na mansanas nga iyon,
akin itong kinuha at kinagatan. Para sa akin ay manamis-namis ito ngunit
tinikman din ito ng aking anak, at para sa kanya ay matabang ito. Aming kinagatan
ang parehong mansanas, ngunit kaiba ang aming pagdalumat dito. Iyan yaong
sekundaryang kalidad.
Para kay Locke, mayroon tayong
tatlong grado ng pag-alam: ang intuwitibong kaalaman ukol sa ating pag-iral,
kung saan ating iniiintindi na umiiral tayo dahil tayo ay nakararamdam; ang
deduktibo-demonstratibong pagdalumat sa pag-iral ng Diyos, sa kadahilanang kung
siya ang ating pinagmulan, kapwa siya umiiral, at; ang ating
kaalamang-pakiramdam ukol sa pag-iral ng iba, kung saan ating
binibigyang-turing ang kanilang pag-iral sa ngayon-dito at hindi ang
pangnakaraan o ang panghinaharap.
Sadyang hayagan na ang pag-intindi
ni Locke sa kaalaman ay nakaangkla sa ating pakiramdam na daluyan ng kaalaman.
Ngunit ang sumunod na palaisip sa kanya ay nagmistulang sumobra naman.
Pinaniniwalaan ni George Berkeley na
“atin lamang nalalaman kung ano yaong tumimo sa ating pakiramdam at kung ano
yaong naaalala ng ating kamalayan, nang di kabilang ang pagkilos ng ating
kaisipan. Ang kung anong ay yaong representasyon ng ating pakiramdam. Upang
magmeron ang isang bagay, kailangang ito ay napakiramdaman, esse is percipi. Dalawang problema ang nag-ugat sa panuntunang ito: una,
lahat ng karanasan ay konkreto at isinaisip mula sa pakiramdam, at; ikalawa,
ang bawat elemento ng konkretong karanasan na iyon ay kinakailangang masustento
ng umaalam.
Ang sagot ni Berkeley dito ay,
“kapag ating isinasaisip ang mga abstraktong ideya ating isinasaisip agad ang
isang konfretong imahe; sabihan mo akong mag-isip ng isang tatsulok, hindi
papasok sa aking kaisipan ang isang parisukat o isang parihaba, bagkus ang
papasok sa aking kaisipan ay ang iab’t ibang uri ng tatsulok, rombus,
ekwilateral, isoseles…; ikalawa, may mga bagay na ating naisasaisip na puwedeng
paghiwalayin ngunit sa katotohanan ay hindi pupuwede, tulad ng pag-galaw sa
paggalaw, o kulay ng isang bagay. Dito ay ating nahihinuha ang pinroblema ni
Aristoteles noon .
Kung ano yaong napapakiramdaman ay
totoo at kung ano yaong umiiral ay iyon ang may kapasidad na mapakiramdaman.
Bilang sagot sa katanungan na “umiiral lang ba ang mga bagay kapag
napakiramdaman?” Kanyang sinagot na ang kabagayan ay umiiral sa isip bilang
ideya. Umiiral ang kabagayan ng labas sa kaisipan ng tao at pakiramdam sa
kadahilanang di naman kayang limitahan ng tao ang kanilang nais isa-ideya. Sa
gayong kadahilanan, maaaring ang nagpapairal sa mga bagay na ito ay ang isang
katauhang pumapakiramdam dito, ang Diyos na pumapakiramdam sa lahat. Kapag
hindi tayo naisaisip ng Diyos, titigil tayo sa pag-iral.
Ang sistemang-pilosopikal ni Berkeley ay tinananggalan
ng kapasidad ang taong magkaroon ng posibilidad upang malaman ang pag-iral ng
isang panlabas na mundo.
Ayon naman kay David Hume, malaki
ang pagkakaiba ng pakiramdam, yaong init, lamig, atbp. sa pagsasaalaala ng
pakiramdam na ito. Kayanin man ng kaisipan na gayahin ang gayong mga pkiramdam,
hindi pa din nito kakayaning isaayon ang tunay na naramdaman.
May dalawang uri ang persepsyon ng
kaisipan: yaong ideya, na umaayon sa kakarampot na puwersa at kabuhay at; yaong
nauukol sa impresyon na tipikal na mga buhay na persepsyon sa tuwing tayo’y
nakakarinig, nakakikita, nakararamdam, nagmamahal, nagagalit, may ginugusto o
may isinasa-kaloob. May mga kaalaman tayong binibigyang-asosasyon lamang natin
dahil kapwa natin nararamdaman at nalalaman ang gayong bagay kaya’t ating
isinasaisip na ito ay umiiral. Halimbawa, kapag ako ay nag-isip ng isang mabait
na aso, pumapasok sa aking kaisipan ang ideya ukol sa mabait at ideya ukol sa
aso. Aking ikinokonekta ang gayong kaisipan upang magkaroon ng ideya ukol sa
isang mabait na aso.
Ang lahat ng ating ideya ay payak na
persepsyon ng kopya ng ating impresyon. Dalawang kaisipan ang pumapasok sa
pagsasaisip nito: una, kapag ating isinasaisip ang mga ideya sa ating kaisipan,
ating nahihinuha na mas payak na ang mga ito kaysa sa ating napakiramdaman ukol
dito sa persepsyon o sentimento, at; ikalawa, kapag ang isang
instrumento-sa-pakiramdam ay may depekto o kakulangan, tulad ng pagiging bulag
o bingi, hindi sila makabubuo ng konseptong “kulay” o “tunog.” Ang mga ideyang
nasasakanila ay yaon lamang pinapayagan ng naiwan sa kanilang persepsyon. Kung
ating bibigyan ng pagkakataon na sila’y mabiyayaang makakita o makadinig, may
mga panibagong ideyang mag-uugat mula sa kanilang panibagong persepsyon.
Di sinang-ayunan ni Hume ang
konspeto ng “pagsasanhi.” Dahil para sa kanya di kakayanan ng pangangatwiran na
ipakita ang koneksyon ng isang obheto sa isa pa, kahit na sa karanasan, at ang
obserbasyon ng kanilang pagkakatugma sa mga nakaraang pagkakataon. Kapag
nagkakaroon tayo ng paggalaw mula sa impresyon tungo sa paniniwala sa isa,
hindi ito ginagabayan ng pangangatwiran, bagkus ay bunga ng prinsipyong
nag-uugnay sa mga obhetong ito sa imahinasyon. Ang kaalamang
may-kinalaman-sa-katotohanan ay imposible sa kadahilanang kanyang di binigyang
kunsiderasyon ang mga prinsipyo ng agham na umaayon sa premisong ang isang
pangyayari ay sanhi ng isa pang sususnod na pangyayari at aayunan magpalagian.
Sa kabilang dako, ang mga relasyon ng mga ideya ay may posibilidad tulad ng mga
numero sa matematika.
Sa kahulihulihan, pinahindian din ni
Hume ang pag-iral ng indibidwal na sarili sa kadahilanang walang palagiang
persepsyon ang tao ukol sa kanyang sarili bilang kaibang entidad, walang iba
sila kundi mga “pinagsama-samang koleksyon ng persepsyon.”
Isa na namang makabagong palaisip
ang lumagom sa kinasangkapan ng mga palaisip ng modernong panahon: si Immanuel
Kant.
Ang pilosopiya ni Kant ay kadalasang
tinatawg na pilsopiyang kritikal. Kanyang hinati ang ating moda ng pag-iisip sa
sintetik, yaong base sa karanasan at analitik, yaong nakaangkla sa kaisipan.
Ang isang analitik na proposisyon ay isang testamentong ang panaguri ay
nasasa-simuno. Tulad nang sa halimbawang, “Ang batang negro ay negro.” Ang katotohanan
ng gayong proposisyon ay maliwanag sa kadahilanang ang katotohanan ng ganitong
proposisyon ay nadidiskubre mula sa pagsusuri sa konseptong pumapaloob dito.
Ang mga proposisyong sintetik naman ay yaong di kayang maabot sa pamamagitan ng
purong pagsusuri tulad ng sa halimbawang “Ang bata ay negro.” Lahat ng
proposisyong nakaangkla sa karanasan ay sintetik.
Ayon kay Kant, pupuwedeng hatiin ang
mga proposisyon sa dalawa: a posteriori
o yaong sa karanasan at a priori
yaong sa kaisipan. Ang mga proposisyong a posteriori ay nakaangkla sa
karanasan, at ang a priori naman ay may sarilinang katotohanan at hindi base sa
pakiramdam. Halimbawa, ang a posteriori na proposisyon ay yaong “Ang bata ay
negro” at ang a priori naman ay yaong “Ang dalawa, samahan pa ng dalawa ay
apat.” Ayon sa gawang aklat ni Kant na Puna
sa Ganap na Pangangatwiran, may posibilidad ang isang sintetikong a priori
na husgahan. Ito ay kilala sa pilosopiya bilang transendentalismo. Ayon kay
Kant ang obheto ng mundong-materyal ay may kapasidad na malaman, sa
puntodebista ng pangangatwiran, ito ang kinakasangkapan mula saan nabubuo ang
sensasyon. Ang mga obheto ng kanilang sarili ay walang pag-iral at ang pag-iral
ng espasyo at oras ay umiiral sa kaisipan lamang bilang intuwisyon kung saan
nahuhusgahan at nasusukat ang persepsypon.
Ayon naman kay Georg Wilhelm
Friedrich Hegel, ang reyalidad ay ang pag-usbong sa pamamagitan ng proseso ng
lahat ng bagay na kanyang tinawag bilang Ganap-na-Espiritu. Para sa kanya ang
layunin ng pilosopiya ay ang pagsusuri ukol sa pagbabago ng Ganap-na-Espiritung
ito.
Ukol sa istrukturang rasyunal ng
Ganap, “kung ano ang rasyunal ay totoo at kung ano ang totoo ay rasyunal” tulad
ng kay Parmenides. Ang Ganap ay tinuringan bilang Isip na patuloy na nagbabago.
Ang gumagabay sa pagbabagong ito ay ang dayalektiko. Ang metodong-dayalektiko
ay nagpapabago sa pamamagitan ng pagkakaiba-iba. Tulad nang kay Herakleitos.
Ito ay sa pamamagitan ng konseptong tikha, laban-sa-tikha at paglalagom. Ang
tikha ay yaong isang konkretong pangyayari tungo sa pagbabago. Sa konseptong
ito din nakapaloob ang laban-sa-tikha na di umaayon sa galaw ng tikha. Sa
pamamagitan ng paglalagom, ang katotohanang hatid ng tikha at ng laban-sa-tikha
ay napag-iisa upang magbigay-turing sa isang panibagong kaisipan. Itong
paglalagom na ito ang nagsisislbing panibagong tikha, tungo sa isa pang
laban-sa-tikha at paglalgom. Naisasahayag sa pamamagitan nito ang pagababago ng
prosesong intelektwal at makasaysayan. Ang pagbabagong ito ayon kay Hegel ay
tumutungo sa isang kapupuntahan, telos.
Ang reyalidad ayon sa kanya ay ang
pagbabago ng Ganap sa prosesong-dayalektiko sa prosesong pagpapanibago sa
sarili. Ang kilos ng Ganap na ito ay nasasalamin sa kalikasan bilang pormang
materyal. Ang kaisipang limitado at kasaysayan ng sangkatauhan ay manipestasyon
ng Ganap sa kamalayan. Sa aklat niyang Penomenolohiya
ng Isip ipinahayag niya ang tatlong bahagdan ng manipestasyong ito, ang
kamalayan, tungo sa kamalayang-pansarili, sa tamang pangangatwiran.
Tatlong bahagdan ang pag-intindi
dito ayon kay Hegel: sining, relihiyon at pilosopiya. Sining sa kadahilanang
nilalagom nito ang Ganap sa pamamagitan ng materyal na porma nito. Relihiyon sa
kadahilanang ito ang sumisimbolo at nagbibigay-imahe sa Ganap. Para kay Hegel ay Kristiyanismo ang pinakamataas na
relihiyon sa kadahilanang ang katotohanan ng Ganap ay naisatotoo sa simbolikal
na inkarnasyon, o pagpapakatao ng Diyos. Ang pilosopiya sa kabilang dako ay mas
mataas sa kadahilanang nahihinuha nito ang Ganap sa isip. Kapag naabot ang
bahagdang ito, pupos na ang pansariling-kamalayan ng Ganap, at ang kawakasan ng
paghahanap dahil narating na ang kapupuntahan. “Ang Diyos ay Diyos lamang kung
kanya nang kilala ang kanyang sarili.”
Dito nagwawakas ang matimtimang
pagbabagong dala-dala ng modernong bahagdan ng pamimilosopiya sa larangang
epistemolohikal. Kitang-kita ang mga konseptong pumaloob sa mga sinaunang
palaisip: metodo, diwa, kaisipan at pagsasaisip. Patuloy na pag-alam ang dala
ng disiplina ng pilosopiya, dahil sa gayong pamamalagay, mas importante ang
katanungang bumabagabag kaysa sa mga kasagutang minadali upang manahimik sa
isang tabi at mabuhay sa kalokohan ng pag-iisip.
Ang katotohanan ay patuloy na
liligawan at roromansahin ng mga palaisip, dahil ang katotohanan ay pihikan.
Kakagat lamang siya sa iyo kung may kaalaman ka talagang mangilatis at maghanap.
Sanggunian
Gilson,
Etienne at Thomas Langan. A History of
Philosophy: Modern Philosophy: From Descartes to
Kant
Microsoft
Encarta Reference Library 2005
Sapno,
Eduard J. Q. An Essay on Modern
Philosophy: Descartes and Kant (Di-nailimbag na Gawa, San Carlos Seminary)
-------------------------.
Modern Period: Epistemological Dialogues,
An Overview (Di-nailimbag na Gawa,
San Beda College)
4 Yugto
Ukol sa Pilosopiya ng
Kontemporaryong
Panahon
Ika’y tumitingala kung ika’y nagnanasa sa
papuri, at kayo’y aking tinitingnan mula sa itaas dahil ako’y pinapupurihan.
Sino
sa inyo ang kapwa makatatawa at pinapupurihan? Siyang umaakyat tungo sa
pinakamatataas na kabunduka’y tinatawanan ang lahat ng malulungkot na dula at
katotohanan.
Friedrich Nietzsche, At
Gayon ang Winika ni Zarathustra
Ang
Kalooban at ang Pag-iral ng Kapangyarihan
Tipikal na sa katauhan ng tao na isapilit
ang kabagayan na aayon sa kanyang kakintalan at kamalayan. Tila baga, hindi
nabubuhay ang tao nang walang pinasusubalingang pag-uyam sa katotohanang
kanyang ginagalawan. Ang kayabangan ng tao ang nagbibigay-pasimula sa
katusuhang ito, at sa kanyang pagnanais na lipulin ang kabagayan para sa kanya,
tila kanya na ding naisakatuparan ang isang bagay na hindi niya inaasahan,
damay siya sa katusuhan niya’t maski ang kanyang sarili’y kanya nang naloko.
Noong sinaunang kaGriyegohan, kinilatis ng mga palaisip ang katotohanan ng
mundo at ang pagkilos nito sa ating kaalaman, kung papaanong ipinalalabas ng
mundo ang reyalidad sa kamalayan ng tao. Sa panahong-medyibal, inihayag ng
nakararaming teologo-pilosopo ang patagong pagkilos ng Diyos sa ating patuloy
na paghahanap. Sa modernong panahon, sinikap kutyain ng mga palaisip ang
pilosopiyang umiiral upang sa pasimula’y muling simulan at ilagak sa isang
matibay na pundasyon ang pilosopiya. Sa pag-aaral ng mananaliksik, kanyang
bibigyang-turing, ukol sa kontemporaryong panahon, ang tatlong palaisip: si
Arthur Schopenhauer, Friedrich Wilhelm Nietzsche, at Ludwig Wittgenstein.
Tunay, gasgas na si Nietzsche dahil karamihan sa mangangaral ng pilosopiya ay
sadyang kinagustuhan si Nietzsche ngunit sa kanilang pagkagusto, nagsilbing
kabulagan ito sa kanila upang tunay na turingan ang pilosopiya niya. Sa
kabilang dako, si Schopenhauer ay kilala sa kanyang pesimistikong pilosopiya
at, sadyang sa di-inaasahang pagkakataon, taon bago nakilala ng mananaliksik
ang palaisip na ito, tila baga nagkakapareho ang kanilang pananaw. At sa
panghuli, si Wittgenstein ay isang palaisip na kilala ng mananaliksik ngunit
hindi siya tunay na nagkaroon ng pagkakataong kilatisin ang pilosopiya nito
kaya’t sa pagkakataong ito’y kanyang kinuha ang oportunidad. Ayon nga kay Padre
Roque Ferriols, SJ: “[M]agmasid, tingnan ang paligid. Madaming pagkakataon ng
pagmemeron. Sisirin ang katunayan ng pagmemeron!”
Si Arthur Schopenhauer ay kilala
bilang isang pilosopo ng pesimismo. Kilala din siya bilang katunggali ni Hegel,
tungo kanino’y madami siyang nasambit na kabagayan laban sa kanya.
Dalawang pilosopo lamang ang
nirerespeto ni Schopenhauer, si Platon at Kant. Iisa lamang talaga ang aklat na
nailimbag ni Schopenhauer, Ang Mundo
Bilang Kalooban at Ideya. Para sa kanya, walang kakayanan ang taong
makaalam sa ganap na katotohanan, kung saan ang kaya lamanh nating malaman ay yaong
dumadaan sa lukob ng kalawakan at panahon sa pamamagitan ng kategorya ng
pag-intindi, tulad nang kay Kant.
Kanyang isinulat: “[A]ng mundo ay
ang aking ideya: - ito ay isang katotohanang kumakatawan sa lahat ng bagay na
nabubuhay at nakaaalam, kahit na tao lamang ang nakahahatid nito sa pagmumuni
at abstraktong kamalayan. Kung kanya itong nagawang talaga kanya nang narating
ang rurok ng pilosopikal-na-karunungan. Nagiging malinaw sa kanya ang na ang
kanyang alam ay hindi ang araw at ang mundo bagkus ay ang matang nakakakikita
sa araw at ang kamay na nakadadama sa mundo; na ang mundong pumapaloob sa kanya
ay naroon lamang bilang ideya.”
Tulad nang kay Kant na, “dalawang
bagay lamang ang pumupuno sa kaisipan ng makabagong paghanga at pagtingala…ang
ma-talang kalangitan sa itaas at ang batas-moral sa kalooban,” umaayonsi
Schopenhauer dito ngunit kaiba angf kanyang mga halimbawa kay Kant. Ayon sa
kanya, bakit ba ang tao, kapag nalamang namatayan ang isang kakilala, ang unang
gagawin niya’y ngingisi? Subalit ang aktong ito’y kinakailangang pigilan. O
kung bakit ang isang mayamang negosyanteng nagtrabaho ng buong sikap at
narating at naatim ang tagumpay, yaman at kapangyarihan, ay mas gugustuhing
pang isakripisyo ang kanyang kayamanan para sa pansamantalang sekswal na
kaligayahan kasama ang isang ilehitimong babae? Ang kaisipang ito ay naghatid
ng isang pesimistikong mukha sa pilosopiya ni Schopenhauer at sadyang
nagmistula ito bilang “katotohanan” sa sistema niya. Kung kay Kant, sa likod ng
penomena ay noumena, makikita ang Diyos, immortalidad at hustisya, kay
Schopenhauer ay isang kawalang-kahulugang kaisipang “kalooban.” Ang kaloobang
ito ang bumubuo at sumisira sa kadahilanang nais lamang nito ang higit. Higit
nang kahit na ano basta’t alam nitong nais nito ang lalo pa.
Para sa kanya, ang higit na ito ay
nagnanais ukol sa pagtatalik, at dahas hindi lamang sa kalikasan bagkus ay sa
katauhan din. Ang ating kilos, alam man natin o hindi, ay umaayon sa konspetong
pagbuo at pagsira. Ang lahat ng nasa mundo-penomenal ay manipestasyon ng
kalooban na ito.
Lahat ng bagay kahit na isa-kalooban
ay hindi nagaganap dahil walang pag-asa. Sa kadahilanang ito ang katotohanan,
ang katotohanang pesimistiko ang mundo.
Ngunit para sa kanya ay may
solusyon: musika. Ngunit hindi lamang basta musika, bagkus ay yaong musikang
walang-salita at walang-imaheng-suhestiyon, ang Baroque. Ito ang tinuringan
bilang Nirvana ni Schopenhauer, yaong pagtakas mula sa mundo tungo sa purong
porma, bilang isang pag-aklas sa kalooban, at paglampas dito.
Ngunit, ayon kay Nietzsche, ang
Baroque ay ang pinaka-senswal na musika na umaayon sa kagustuhan. Hindi ba’t
ang kagustuhan ay manipestasyon pa din ng kalooban?
Kung nais mong makakilala ng isang
palaisip na ang kayabangan ay di matutumbasan ng kahit na sino, titingala ka’t
mapapaluhod kay Friedrich Wilhelm Nietzsche. Siya ay isa sa mga palaisip na
tunay na tumaliwas mula sa kinagisnang kamalayan at tumungo sa pamimilosopiya
ng di umaangkla sa kamalayang-umiiral. Kaya nga lamang, kung may Edgar Allan
Poe ang literatura, ang pilosopiya naman ay may Nietzsche.
Para sa kanya, sa panahon ng
pag-alam, walang ibang nilikha ang katauhan kundi kamalian na ang karamiha’y
upang pag-ibayuhin ang katauhan. Minamana nila ang kamalayang ito at
nagmistulang payak na at kinabagayan na ng tao sa kanyang paglago. Tulad nga ng
nakararaming katauhan, di nasusukat ang lakas ng isang kaalaman sa pamamagitan
ng grado ng katotohanan nito, bagkus ay ang kalumaan at kontribusyon nito sa
buhay-kondisyon. Sabi niya, ang pag-aalangan ay kabaliwan. Ating makikita na
sinusukat ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkakaangkla nito sa kabuhayan ng
tao. Dahil nga sa ito ang kaalamang kinagisnan ng tao, ito ang nagmimistulang
proteksiyon natin mula sa “ibang-katotohanan.”
Kanya nga lamang naitanong: “sa
anong layo mabubuhay ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkakaangkla? – yaon
ang katanungan, yaon ang pinageeksperimentuhan.” Kung ating susuriin, sa
katunayan, ang tao ay nabubuhay sa katotohanan na kanyang kinagisnan, iba’t
ibang oryentasyon, at pamamaraan ng pag-alam. Ating tawagin ito bilang
“tradisyon.” Ang tradisyong mga ito ang
nagiging pamantayan ng ating patuloy na pag-alam na sa katunayan ay
nagkakaroon ng suliraning tumanggap ng korupsyon. Ating sabihin at tukuyin na
yaong katotohanang tinanggap noong sinauna, ay di na kapareho ng katotohanang
ating tinuturingan sa ngayon, sumailalim na ito sa pagbabago, nararapat man o
hindi.
Nabubuhay ang tao sa tradisyong ito,
at tila baga wala na siyang sapat na pamamaraang takasan ang katotohanang ito.
Ngunit may pamamaraan: ang tukuyin ang kabaligtaran ng kabagayan, tulad nang sa
mga taga-Eleatika. Ayon nga kay Nietzsche: “[A]ng pinakamaling paghuhusga ay sa
atin hindi isang pagtaliwas sa paghuhusgang ito […] Ang katanungan ay kung
hanggang saan ito buhay-nagpapakalayo, buhay-nangangalaga, uri-nagsasanggalang,
at minsa’y uri-nagpapakabuo; at ang ating paunang pagkiling ay ang panigan ang
pinakamaling paghuhusga (kung saan nabibilang ang sintetik a priori na paghuhusga) sa kadahilanang hindi natin ito
maisasantabi, kahit na ito ay walang katotohanan sa lohika, walang pamantayan
sa reyalidad ng nabuong mundo ng di-kondisyunal at pagkilala-sa-sarili, nang
walang pag-uyam sa mundo sa pamamagitan ng numero, di mabubuhay ang
sangkatauhan – na ang di pag-ayon sa mga maling paghuhusga ay kapareho ng
pagtaliwas sa buhay, pagkakaila sa buhay.”
Tulad ng pag-alam, ayon sa kanya,
nais nating kilatisin ang pag-alam sa kadahilanang ayaw natin ng may gumugulo
sa ating kaisipan. “Hindi ba’t,” tanong niya “takot ang sumasanggalang sa atin
upang umalam? Hindi ba’t ang pagsiya ng tao-ng-kaalaman ay di ayon sa pagsisiya
sa kasiguruhang muling natamo?”
Tunay na bibigyang interes natin ang
takot bilang pagsupil sa kabagayang ating hindi nalalaman. Tulad ng kanyang
pasimula, hatid ni Nietzsche na nabubuhay tayo sa tradisyon na ating
kinamulatan, ito ang nagiging proteksiyon natin, hangganan at pamantayan.
Kumikilos ang kaalaman ng tao dahil alam
natin ang pinagmulan nito at komportable tayo dito. Sa kabilang dako, may takot
tayong nadadama ukol sa kabagayang wala
tayong kaalaman. Takot tayo dahil inuuyam tayo ng isang bagay na wala tayong
ideya. Nakararamdam tayo ng pagkagulo at
kaguluhan ng kamalayan. Nagdadalawang-isip tayo at pilit nating ginugusto na
alamin ang nauukol sa katotohanang ito upang mawala ang ating pagkakagulo.
Ngunit, hindi ba ito ang bumubuhay sa mga palaisip? Ang katotohanan na sana’y
ginugulo at inuuyam tayo ng kaalaman at sitwasyon? Tulad ng sabi ni Ferriols,
“nililigawan ang kaalaman.” At sa ating panliligaw na ito, unti-unting
nagpapakita ang katotohanan, aletheia
ni Heidegger.
Si Nietzsche din ang nagsakonsepto
ng “perspektibismo.” Bilang isang pilolohista, isang mangangaral ng wika, ayon
sa kanya ang Bibliya, Veda, Upanishad ay di mga saling-direkta mula sa iisang
basehan. Bagkus, ito ay mula sa napakaraming labing pinagtagpi-tagpi. Walang
tekstong orihinal. Kanya ngang sinambit dati: “ang bawat tagasalin ay traydor.”
Sa kabilang dako, ayon sa kanya,
walang purong pagmemeron o orihinal na datos. “Mayroon lamang pagbabago at
kaguluhan kung saan ating isinasapilit ang ating kagustuhan.” Wala talagang
pag-alam, ang lahat ng pag-alam ay pagbuo, at ang lahat ng pagbuo ay
pagsisinungaling. Dalawang uri ang pagsisinungaling na ito: “pagsisinungaling
na ukol sa pinagsisinungalingan at pag-sisinungaling-ukol-sa-sarili na umaayon
sa kasinungalingan sa loob ng isang tradisyong-ganap.” Para sa kanya, upang
matugunan ito, kinakailangang magsinungaling nang-may-pagka-malikhain sa
pamamagitan ng isang kalooban-sa-kapangyarihan, kung saan ating tinutupi ang
reyalidad sa pamamagitan ng ating kalikhaan. Ayon kay Nietzsche, ang kaloobang
ito ay “pagkagusto sa kalayaan.”
Ito ang konseptong ating tuturingan
bilang “kayabangan.” Ang ating mismong akto ng pagsasalita ay kumikilos tungo
sa kaloobang ito. Hinahanapan nating ng lagom ang pagkakaiba-iba at sa
pamamagitan nito ay ating pinatotohanan ang ating pagsisinungaling. Ngunit ang
pagsisinungaling na ito ay ang sanhi ng ating pagkamalikhain dahil minumungkahi
nito ang ating kalooban-sa-kapangyarihan.
Sa kabilang dako, para kay Nietzsche
hindi lahat ng interpretasyon ay pantay-pantay, bagkus “yaong interpretasyon
lamang na umaayon sa buhay ang katanggap-tanggap. Ang lahat ng iba dito ay
may-sa-kawalan at umaayon sa kamatayan.” Kung tutuusin, dahil sa nabubuhay tayo
sa pag-ayon sa kabaligtaran, hindi ba’t parang tinaliwas na din ni Nietzsche ang
kanyang sarili?
Upang marating ang kaayunan ng
“kasiyahan ng kalooban-sa-kapangyarihan” kinakailangan nating malamapasan ang
pamantayan ng lipunan. “Kaya’t aking tinuturo sa inyo ang Übermensch!” Ang Übermensch
ang personalidad ng paglampas sa kumbensyunal na kaisipan at kamalayan ng tao.
Hayag ng Übermensch ang kamatayan ng
Diyos at ang ganap-na-ulit-pangyayari. Ang kamatayan ng Diyos dito ay hindi
yaong Diyos ng relihiyon, bagkus ay ang mga pamantayang ating Dini-diyos:
“awtoridad na pulitikal, pangkasaysayan, relihiyoso, moral at tekstwal” ayon
kay Palmer.
Sa kabilang dako, ang
ganap-na-ulit-pangyayari ay sumasalamin sa makapailalim na suhektibidad kung
saan isinasailalim ang pagmememron at pagsasaisip.
Isa si Nietzsche sa bumago sa mukha
ng pilosopiya, at katunayan, iilan lamang ang di aayon kay Nietzsche dahil
dinala niya ang pilosopiya bilang kabuhayan ukol sa katunayan ng paggising sa
katotohanan.
Matapos
ang kahabaan ng pagkakataon, may bagong tradisyong uusbong mula sa Vienna , Austria ,
dala ng isang palaisip na may kahusayan sa matematika. Tatawagin ang kanilang
grupo bilang “Kalipunan-ng-mga-taga-Vienna.” Ang sistema’y makikilala bilang
tradisyong-analitiko o sistemang lohiko-positibismo; ang nabibilang, si Ludwig
Wittgenstein.
Noong 1921, nailimbag sa pamamagitan
ni Bertrand Russell ang aklat na Tractatus
Logico-Philosopicus ni Wittgenstein. Kakatwa, sa kadahilanang sa paunang salita nito ay nakasaad na:
“[T]inatalakay ng aklat na ito ang suliranin ng pilosopiya, at ipinakikita
nito, sa aking paniniwala, na ang dahilan ng suliraning ito ay ang ating maling
pagdalumat sa lohika ng wika. Ang kabuoan ng aklat na ito’y malalagom sa
pamamagitan ng pagwiwikang: kung ano ang ating kayang sabihin ay masasabi nang
may kalinawan, at yaong hindi natin mapag-uusapan ay kailangang mailagay sa
katahimikan […] Hindi ko ninanais na mahusgahan ang aking gawa katabi ang ambag
ng ibang pilosopo. Sa katunayan, yaong nasusulat dito ay di kumakatawan sa
bagong detalye, at ang dahilan kung bakit hindi ko ninais na bigyang-turing ang
aking sungganian ay sa kadahilanang nais kong maturingan ito bilang
pagsasa-kaiba sa akin kung ang aking pagsasa-isip ay pinangunahan na ng iba.”
Kakatwa sa kadahilanang ang kanyang kaisipan ay nagnais na maging pasimula,
nagnais na magbigay ng kasagutan ng di-inanaangkla ang sarili sa kamalayan ng
iba. Kaiba kung baga.
Para sa kanya: “[H]indi ibinibigay
ng pilosopiya ang larawan ng reyalidad o ang pag-ayon at pagtaliwas sa
siyentipikong pagsusuri; itinuturo ng pilosopiya ang porma-lohikal ng mga
proposisyon, yaon ang kanyang esensiyal na tungkulin.”
Ayon kay Kaufmann, dalawang konsepto
ang binigyang turing ni Wittgenstein: una, na ang kahulugan-teorya-larawan, na
umuukol na ang wika ay lumilikha ng ideya ukol sa pagkakaangkla nito sa mundo
at trabaho ng palaisip na salain ang wikang ito upang mapagkilanlan ang ganap
na wikang sasangguni sa mundo, at; ikalawa, ang konseptong ang kahulugan ng
salita ay ang pagkakagamit nito sa wika, para sa kanya, ito ang tinatawag na
kaisipan-ni-Wittgenstein-sa-huli, wala na’ng pagbuo sa isang ganap na wika,
bagkus, hanap na niya ang nakapailalim na porma ng buhay sa pinasisimulan
nating pangungusap, kilala ang konseptong ito bilang wika-teorya-laro.
Ang dalawang grading ito sa kaisipan
ni Wittgenstein ang sumasaloob sa kaisipan ng palisip na ito: pagsasa-ukol sa
wika.
Ang aklat niyang Tractatus Logico Philosophicus ay
naglalaman ng pitong bahaging-propisyon-prinsipal at ilang propsisyong
sumasailalim sa mga bahaging-proposisyon-prinsipal na mga ito. Nagsimula ang Tractatus sa proposisyong: “[A]ng mundo
ay lahat at iyon ang kaso.” Sa pasimula, bahaginang sinangayunan ni
Wittgenstein ang katotohanan ng galaw sa mundo. Hayag na ang katotohanan ng
mundo ay makikita sa ka-totohanan nito at hindi sa kabagayan. Ang ka-totohanang
ito ay istruktura ng wika na sumasalamin sa istruktura ng mundo.
Para sa kanya, kung ating kayang
malampasan ang ang kawalang-kahulugan, “ating makikita ang mundo sa katamaan
nito.” Tulad nang sa Proposisyon 6.54: “[A]ng aking mga proposisyon ay
nagsisilbing paglilinaw sa ganitong pamamaraan: kung sino ang nakaiintindi sa
akin ay makikilala sa kalaunan na ito’y walang-kahulugan, na kapag kanya itong
ginamit – bilang hagdan – upang umakyat at lampasan ang mga ito. (Kinakailangan
niyang, sa pasimuno’y, sipain ang
hagdan matapos niya itong gamitin.) Kailangan niyang lampasan ang mga
proposisyong ito upang makilatis ang mundo sa tamang pamamaraan.”
Tulad nang kay Nietzsche, kailangang
malampasan ang kung ano ang mayroon. Ngunit mayroon nga lamang pagkakaiba. Ayon
kay Nietzscshe, kailangan maging tapat tayo sa mga maka-mundong bagay dahil
dito tayo naka-ugat. Hindi importante ang bagay na may-sa-kalangitan o mga
bagay na may-sa-ibang-mundo. Sa kabilang dako, kay Wittgenstein, ayon sa
Proposiyon 6.432: “[K]ung papaano ang kabagayan sa mundo ay isang tanikalang
nagsasaiba sa kung ano ang may kataasan. Hindi naghuhudyat ang Diyos sa loob ng
mundo” at ang Proposisyon 6.4312: “…Ang solusyon sa hiwaga ng buhay sa
kalawakan at panahon ay nasa labas ng kalawakan at panahon.”
Para sa kanya, kung walang kakayanan
ang sagot na maisa-wika, gayon din ang katanungan. Hindi umiiral ang panlilito.
“Ang limitasyon ng aking wika ang limitasyon ng aking mundo.”
Sa kabilang dako, tulad nang naisaad
sa itaas, ang “kahulugan ng salita ay ang gamit nito.” Ito ang pasimula ng
kaisipan-ni-Wittegenstein-sa-huli, at tunay puro pangalan lamang ang ating
inaangkla sa isang bagay upang bigyan ito ng “pagkakakilanlan.” Ang pagsasaisip
na ito ang kanyang kasagutan sa mga pagtatapos na inihatid sa kanyang Tractatus. Nailabas ang mga kasagutang
ito bilang Pagsusuring-Pilosopikal.
Sa aklat na ito, kanyang inihayag na
ang wika ay isa lamang “laro.” Para sa kanya ang lahat ng bagay ay ginagabayan
ng batas o may pamantayan, ang kahulugan ng isang bagay ay naaayon sa kanyang
gamit sa pamantayang sinusunod. Tulad ng sa wika, may pamantayan din ito:
gramatika, semantika, sintaktika at kontekstwal, ayon kay Palmer.
Bilang paghahatid-linaw, ating
nakikilala ang bagay dahil sa ating pagmumunimuni ukol sa epekto at gamit nito
para sa atin. Isang halimbawa ang kanyang tinuringan. Tingnan ang martilyo,
pupuwede siyang pangpukpok ng pako, pangdagan ng papel o sandata.
Naisasa-konteksto natin ang bagay na ito depende sa tawag ng sitwasyon. Papaano
kung hindi martilyo ang naging katawagan dito kundi pang-ipit, maiiba ba ang
gamit nito? Posible, ngunit ang gamit nito ay umaayon pa din sa kinakapaloobang
pamantayan.
Para sa kanya ang “pilosopiya ay
isang pakikipagtunggali laban sa pagkakabighani ng ating katalinuhan dahil sa
wika.” Madalas kasi, masyado na tayong nakakaloob sa ating patuloy na maling
pangingilatis sa kabagayan na minsa’y puro na lamang tayo nagwiwika na tunay
namang walang nilalaman.
Bilang pagkilatis, kanyang sinambit:
“[A]ng aking layunin sa pilosopiya ay ang ipakita sa langaw ang daan palabas sa
boteng kanyang kinakukulungan. Hindi kinakailangan ng pilosopiyang makialam sa
aktwal na gamit ng wika; sa kadahilanang sa katapusan ay may kakanyahan lamang
itong bigyan ito ng deskripsyon. Dahil hindi naman nito kakayahang bigyan ito
ng pundasyon. Iniiwanan lamang nito ang kabagayan ng kung ano talaga ito.”
Kinikilatis ng pilosopiya ang likot
ng pakiwari, sa katunayan, ito palagi ang naging pasimula ng palaisip, ang
mang-uyam.
Tunay, ang paglalakbay ng isang
palaisip ay sumasangguni sa suliranin at ang pagsubok na bigyang-solusyon ang
mga bagay na gumugulo. Ngunit hindi ba isang mas angkop na pagtitibay ang
pagsasa-problema ng kabagayan, yaon bang ating sinusubaybayan ang kurot ng
kaalaman at kilatis ng pag-alam? Hindi kailangang matakot sa katotohanan,
nililigawan ang katotohanan, at kung tunay ang iyong pagnanasa, handa kang
magulumihanan, handa kang makipagbuno at makipagtuos sa iyong sariling kalooban
upang hanapin ang totoo’t nakapagpapalaya.
Sanggunian
Clive,
Geoffrey. The Philosophy of Nietzsche
Que,
Nemesio, SJ at Agustin Martin G. Enriquez. Pagdiriwang
sa Meron: A Festival of Thought Celebrating
Fr. Roque J. Ferriols, SJ
Hollingdale,
R. J. A Nietzsche Reader
Kaufmann,
Walter at Forrest E. Baird. Contemporary
Philosophy
Nietzsche,
Friedrich. Thus Spake Zarathustra
Palmer,
Donald. Looking at Philosophy: The
Unbearable Heaviness of Philosophy Made Lighter
Sapno,
Eduard J. Q. Of God’s Existence: A Study
on Nietzsche and Pascal (Di-nailimbag na Gawa, San Carlos Seminary)
Schopenhauer,
Arthur. On the Fourfold Root of the
Principle of Sufficient Reason
--------------------------.
The World as Will and Idea
Wittgenstein,
Ludwig. Notebooks 1914-1916
--------------------------.
Philosophical Investigations
--------------------------.
Tractatus Logico-Philosopicus
5 Yugto
Isang
Kaukulang Paglalagom
May mga nagsasabi na ang pilosopiya ay
isang paglalakbay. Kaya’t ngayon: alsa balutan!
Roque Ferriols, SJ, Magpakatao:
Ilang Babasahing Pilosopiko
Ang pilosopiya anila ay nanggigising:
hoy, ika’y bumangon at iyong lunurin ang iyong sarili sa iba’t ibang
paghuhudyat ng pagmemeron. Isang kalipunan ng kaisahan ang katunayan ng
pagmemeron sapagkat ito’y sadyang nag-uudyok ng isang pagmumulat sa pag-iral.
Ang kaukulang hudyat na ito ng
kaisipan ay ang patuloy na pag-iral ng kung ano ang pagsasaisip ng isang
katauhan sa pagsasakonsepto ng tunay na pag-alam. Sa payak na presentastyong
itong tumalakay sa konseptong pag-alam at kaalaman, yaong nauukol sa
epistemolohiya, kinasangkapan ang kaisipan ng layong iba’t ibang palaisip.
Nariyan ang ilang-ilang mula sa
sinaunang kaGriyegohan na gumamit sa pakikipagtalastasan ang konseptong
“kosmolohikal,” na sa wikang Aleman ay yaong umaangkat sa konseptong Urstoff, na tila baga isang pagsisimula
ng pilosopiya ng modernong panahon kung saan naging isang pagtalakay ang yaong
nauukol sa katauhan ng tao.
Sadyang nakakapagngitngit ng ngipin
at nakapangingilo ng isipan ang iba’t ibang paningin nito sa pag-alam. Nariyan
ang iyong kailangang tandaang konsepto na umiikot lamang sa pag-iral,
layon-ng-pag-iral, pamamaraan-ng-pag-iral, kawawakasan-ng-pag-iral at
pagdalumat-sa-kalipunan-ng-pinag-iralan. Tunay, payak lamang ang pilosopiya,
paulit-ulit. Ngunit sa paulit-ulit na ito ay nasasalamin ang pagbabago ng
pananaw at pakikipagtunggali sa di-kontekstwal na pagdalumat sa umiiral na
kamalayan. Tulad ng kaisipan ni Feyerabend na isang pilosopo ng agham, “di-kinakailangang
naka-angkla ang kaisipan sa kabagayang-nakaraan.”
Kaya naging talastasan ang disiplina
ng isang namimilosopo, dahil ito sa kanyang patuloy na paghahanap ng
kasiguruhan, di dahil ito ay kinakailangan bagkus sa kadahilanang ito ang
pag-intindi sa hudyat ng pagmemeron.
Ang meron, nililigawan, niroromansa,
tila baga ito ang katunayan ng pag-iral, ang patuloy na pagtanggap na mayroong
nagmemeron, at ito yaong patuloy na nanggugulo sa ating pakiwari: ang
katotohanan.
No comments:
Post a Comment