Monday, July 8, 2013

Pamimilosopiya sa Laylayan: Ang Ambag ng Wika sa Pag-Usbong ng Intelektwalisasyon ng Pilosopiyang Pilipino


Umiikot at naglalaro ang mga salita, sa diwang binuo, nakikipagkita. Habang ang talinghaga’y tinatakpan, ang sa salita’y natatagong kahulugan.[1]

Lumiliyab na sulo ang tinataas ng bawat isa, hali-haliling tanggap-bigay.

Panimula
            Ang proliferasyon ng kultura ay nakaangkla sa bisa ng wika bilang komunikatibong pakikihalubilo ng kaganapan-kasaysayan o Ereignisgeschichte. Ngunit, ang pagsulong o kabiguan ng kaganapan-kasaysayan na ito ay nakaangkla sa tao-mismo at hindi sa hilagyo ng pagbabagong-kasaysayan o Entwicklungeschichte.
            Ang ambag ng Intelektwalismo ang nagpapakahulugan sa simulain ng isang awtentikong pilosopiyang Pilipino, sapagkat ang kawikaan ang siyang nagsisilbing makinarya ng kontekstwal na dalumat sa layunin ng pilosopiya bilang isang disiplina ng pagpapakahulugan.
            Ayon sa ilang intelektwal ng ating makabagong kasaysayan, “walang pilosopiyang Pilipino sa isang pangnasyunalistang turing, pagka’t ang nilalaman ng pilosopiya ay kinakailangang pansadaigdigan; pinaiimbabawan nito ang anumang pang-etniko o pangheyograpiyang mga hangganan.”[2]   Para naman sa isa pang bukod-tanging intelektwal nang siya ay tanungin kung siya ba ay nagpapatubo ng isang pilosopiyang Pilipino, “Ang sagot ko ay hindi, ngunit kinakailangang maging malinaw: maraming pamamaraan upang sayangin ang oras—umihip ng mga bula laban sa hangin ay isa; ang isa pa’y ang pagkakaroon ng intensyong bumuo ng isang Pilipinong pilosopiya. Walang taong makakabuo ng kaPilipinuhan, lalo’t higit ng pilosopiya liban na lang kung hindi sinasadya.”[3]
            Dalawang magkaibang pananaw ng dalawang batikang intelektwal. Ang una’y aktibo, pananaw ni Emerita S. Quito, at ang ikalawa’y pasibo, pananaw naman ni Roque J. Ferriols. Susuungin ng papel na ito ang hulmahan ng kaisipan ng dalawang pananaw at kakabuuan ng isang progresibong intindi sa gampanin ng wika sa pag-usbong, yaong tinatawag ng mga Gryego bilang φΰσις, o sangtumutubong kakonseptuhan ng diwang Pilipino na kinahanapan ng pahiwatig sa pilosopiya; o kabaligtaran, pagkakaroon ng kabuluhan ng pilosopiya sa kaPilipinuhan.

Diwa ng Pilosopiya
            Ang pilosopiya ay isang panimulang pagkabalisa. Isang kaukulang pagtatanong sa kabuluhan ng kinasumpungang pagnilayan. Madalas iniaangkla ito sa komparatibong signos ng laik at materya. Ngunit, sa katunayan, napakapayak ng kabuuan ng pilosopikal na tagunton. Ang pilosopiya bilang pagtatanong at pagkabalisa ay hindi natin maihihiwalay sa “katunayan ng pag-iral.”[4] Nasok din dito ang konseptwalisasyon ni Martin Heidegger ukol sa pagbubuo ng isang ontolohikal na Mitwelt kung saan ang iba’t ibang pag-iral ay nasasaanyo sa ugnayan nito bilang-bigay.
            Ang diwa ng pilosopiya ay lalo’t higit na makikita sa bisa nito bilang isang kabuuang nagsasapunto sa kabagayan ng bagay-bagay. Ito ay makikita sa kabuuang-karanasan ng payak na Pilipino. Dahil sa ang kadiwaan ng Pilosopiya ay pinakakahulugan sa hinuha ng karanasan at pagdanas, nagbubunga ito ng isang awtentikong pagkakawatas sa gampanin nito bilang balangkas ng pag-unawa.
            Ang kultura at kalinangan ay bahagi na ng kinagagalawan ng pilosopiya. Ang pagkakaangkop nito sa kinaiiralan ay makikita sa pag-usbong ng isang pananaw ukol sa handog nitong pagbabalangkas ng malay-tao. Isang Iskolastikong parirala ang makakalagom dito: quidquid recipitur ad modum recipientis recipitur, “anumang pagtanggap ay naaayon sa pamamaraan ng pagtanggap ng tumatanggap.” Mahalagang sa puntong ito na ating kilatisin ang implikasyon ng diwa ng pilosopiya.
            Kung ating babalikan ang pagsasakonsepto ni Quito ukol sa pilosopiya bilang “pansadaigdigan at pumapaimbabaw sa anumang pang-etniko o pangheyograpiyang hangganan,” masyado itong nagaakala na ang dalumat ng Kanluranin sa konsepto ng pamimilosopiya ay siya ding dalumat ng mga nasa Silangan. Aktibo ito sapagkat ang akto ng pamimilosopiya ay mahihinuha sa pamimilosopiya-mismo, at ang hantungan ay pilosopiya pa din bilang isang konseptwal na pakiwari. Mahalagang isaisip na ang pag-ayon sa konsepto-bilang-konsepto ay naka-ugnay sa siphayo ng pag-unawa at konteksto. Wala naman talagang iisang sanggunian ang konsepto sa pilosopiya. Sa katunayan, ito ay patuloy na umuusbong. Kung babalikan ang kasaysayan ng pilosopiya, may pagbabago sa gampanin nito base sa istruktura na pasinaya ng sistemang umiiral. Nariyan ang paghahanap ng Urstoff ng mga sinaunang palaisip na Griyego, Teosentrismo ng mga pilosopo-teologong katauhan sa panahong Medyibal, ang Antroposentrismo ng Makabago-Kontemporaryong panahon, at iba pa. Ngunit, oo, malawak na pamimilosopiya pa din ito. Alinsunod nito, binubuo pa din nito ang karampatang pananaw ng dalumat-sa-kahulugan-ng-pilosopiya, Weltanschauung. Ang Weltanschauung na ito ay siya ding bumubuo sa hinuha ng mundo, Weltbild, na umaapela sa indibidwal na pagkilatis ng tao sa kamukhaan ng mundo bilang persepsyong pasinaya ng pag-iral.
            Alalaombaga, ang bisa ng pilosopiya ay patuloy at walang humapay na apela nito sa kadiwaan ng pagtingin at samu’t saring ambag sa pagbubuo ng iba’t ibang pananaw, Weltanschauungen. Ang pag-usbong ng pilosopiya ay hinahabi sa isip ng namimilosopiya at naghahanap ng kabuluhan sa umuunawa sa namimilosopiya. Ang pag-usbong na ito ay siya ding tumuturing sa kaganapan ng pilosopiya bilang nagpapaintindi. Kaya nga lamang, may kakaunting pagkakaiba sa dalumat hinggil sa kinaiiralang kalikasan. Mga kinadadalisdisang panimula na sangguni sa kinalakhan. Ayon nga kay Ferriols:

Ang paglabas sa kinakukublihan ay hindi lamang ginaganap ng meron na nagpapaunawa sa tao kundi ng mismong tao rin na umuunawa sa meron. Sapagkat madalas matakot ang tao sa meron. Meron siyang mga lihim na pag-urong. Nagkukubli siya at baka siya matauhan sa meron. Kaya’t sa kanyang pagbabakas sa meron, hindi lamang kailangan na magpakatuso siya at magmahinahon, maglalakas-loob din siya nang maitabi niya ang kanyang mga kalasag laban sa meron.
                Mga kalasag na madalas lihim; hindi niya napapansin na may mga paglaban sa meron, mga kalasag na nagkukubli sa mga madidilim na lugar ng kanyang malay tao.
                Ngunit […] ang talagang meron ay dapat na ituring na nililigawan at nagpapakita, pinapaahon at umaahon sa liwanag…mula sa dilim na kinakakublihan.[5]

Ang pagkilatis sa pakikipagtalastasan ng pilosopiya ay isang pasinaya ng pagasasadiwa nito sa pakahulugan ng tao. Kaakibat nito ang isang epistemolohikal na pag-unawa sa gampanin ng inetelektwalisasyon ng mga kaganapan sa palibot ng karanasan ng tao.
            Kung atin namang babalikan ang pananaw ni Ferriols sa diwa ng pilosopiya hinggil sa diwang Pilipino, aniya, ang pagbubuo ng pilosopiyang Pilipino ay nakaangkla sa pamimilosopiya lamang. Hindi intensyunal na bumuo ng isang diwang Pilipino na nasasalamin sa pilosopiya. Dahil, ayon sa kanyang pagpapaliwanag, “hindi din naman intensyon nina Nietzsche o Hegel, o ni Descartes, na bumuo ng isang totoong pilosopiyang Aleman o Pranses. Namilosopiya lamang sila.”[6] Pasibo ito sa kadahilanang ang pokus ay nasa pamimilosopiya ngunit nagpapakahulugan sa kaposiblehan ng iral nito sa kultural na balangkas ng namimilosopiya upang ipaintindi ang nais tukuyin.
            Ang pagbubuo ng pilosopiya sa uri ni Ferriols ay pamamaraan at hindi yaong kabuktutan ng pag-uuri kung ano ang pilosopiya. Hindi intensyunal ang diwang Pilipino, kusa itong umuusbong sa kultural na batid ng kabuuan.

Wikang Filipino at Pamimilosopiya
            Sadyang kagila-gilalas ang ating pagsusumikap upang kilatisin ang pag-iral at pagmemeron ng ating kinapapaloobang mundo. Madalas ay hinahango natin ang ating sarili mula sa pagkalugmok sa ating suhektibong interpretasyon ng mundo at ng ating pag-iral-mismo.
            Kung tutuusin, umaasa tayo sa isang kabuoang pag-intindi sa mundong ang pag-iral ay naaayon sa ating pagkilatis sa katotohanan. αλεθεια, “katotohanan.” Pinagsusumikapan nating maabot ang kabuluhan ng ating pag-iral sa likod ng mga pagkukubli’t paglilihim na hatid ng isang mundong lumilinang sa ating kaisipan at pag-iisip.
            Araw-araw, ating hinahagilap ang katotohanan at layon ng ating patuloy na pag-iral, may kahulugan man o wala, ngunit sa likod ng pakikibagay na ito, ating binibigyang-turing-mismo ang ating pag-iral. Ala-ala ang kakintalan ng katotohanan at ang kabuluhan ng isang malikot na kaisipan. Ayon kay Clifford Geertz, isang kilalang antropologo,

Ang konsepto ng kultura, aking pinaniniwalaan...ay nauukol sa semiyotika. Bilang pag-ayon kay Max Weber na ang tao ay isang hayop na nakabayubay sa kayo ng pakahulugan na siya mismo ang humulma, aking tinuturingan na kultura ang mga kayong iyon at ang pagsusuri nuon ay, samakatuwid, hindi isang eksperimental na agham na naghahanap ng balangkas ng batas, bagkus ay interpretatibo na naghahanap ng kabuluhan.[7]


Katutunghayan na ang kultura ay isang malaking aspeto sa paghuhubog ng isang umiiral na kaisipan sapagkat hindi natin maihihiwalay ang ating sariling pag-iral mula sa pangunang espeho ng pinag-iiralan.
            Ayon kay Merleau-Ponty, mahalaga ang ugnayan ng wika at pag-iisip o ng salita at diwa.[8] Sa wika nakakahanap ng kabuluhan ang nilalaman ng isip. Ang paghuhubog ng nilalaman ng isip at kakintalan ng diwa ay nabibigyang-kaganapan sa pamamaraan ng wika. Gayon din ang samu’t saring aspeto ng pamimilosopiya. Ang hubog ng isip na kumakasangkap sa konseptong pilosopikal ay siya ding kabuluhan sa pagpapaintindi nito sa pamamaraang pag-alam ng iba. Hindi natin ito maihihiwalay sa batayang karanasan ng kulturang kinagisnan, sa kasong ito, ang kaPilipinuhan. Kung kaya’t ang pag-usbong at paglago ng pilsopiya ay naaayon sa pagkakaangkla nito sa wika.
            Hindi isang lohikal na sapala ang pagbubuo ng isang pilospiyang awtentikong Pilipino. Ang tuluyang pagpapakahulugan ng kaisipang pamPilipino ay siya ding lunsaran ng paghuhubog na ito.
            Kung babalikan ang konspeto ukol sa αλεθεια, ang pag-usbong ng “katotohanang” ito ay siya ding katotohanan ng pagkilatis dito base sa umiiral na pamantayan. Ang suliranin lamang dito ay ang pagtunghay sa pamamaraang relatibismo. Ngunit, ang wikang batayan ang siya ding magsisilbing kasagutan sa suliraning ito dahil ang ambag ng batayan sa pilosopiya ay ang kontekstwal na pag-intindi dito. Ayon kay Antonio Gramsci, “Ang ugnayan hinggil sa wika ay hindi lamang mga representasyon o makasaysayang bakas ng nakaraan at pangkasalukuyang kahinlugan ng kapangyarihan, bagkus ito ay huwaran  ng iba pang ugnayan na may impluwensiyang kultural at pandangal.”[9]
            Sa kabilang dako, ang pagtalakay sa ambag ng wika sa proliferasyon ng kultura ay hindi magaganap kung hindi dadaan sa proseso ng intelektwalisasyon. Ang prosesong ito, ayon kay Timbreza, ang “pagbibigay ng kaukulang pang-unawa; kaukulang anyo upang maintindihan; at itaas sa antas pangkaisipan upang malaman [ang dapat maunawaan, maintindihan, malaman.]”[10] Ang pamamaraang ito ang siyang magpapatibay sa katalusan ng pilosopiya at ang kaugnayan nito sa pagkakaroon ng kabuluhan sa isang ispesipikong kultura.
            Ang talastasang ito sa pagitan ng wika bilang kinatawan ng kultura at ng pilosopiya bilang pamamaraan ng kaalaman ang nagsisilbing hulmahan ng isang natatanging sistema ng pag-alam at pag-intindi. Kailangang umalpas tayo sa natatanging hegemoniya ng Kanluranin bilang sanggunian ng kung ano ang layunin ng pamimilosopiya at kung saan hangganan ito ay may sakop at lawak. Ang wika ang nagsisilbing kabuoan ng pagtukoy sa pangkalahatang kamalayan at pagkakakilanlan. Ang natatanging pagsukob nito sa iba’t ibang konseptwalisasyon ng kaalaman ang siyang nagbibigay turing sa kahalagahan ng pagpapaintindi ng konseptwal na balangkas ng kahit na anong disiplina. Para kay Timbreza, may limang aspeto sa proseso ng intelektwalisasyon: una, pagsasalin na nagpapaunlad at nagpapalawak sa wikang-bayan; ikalawa, konseptwalisasyon na nagbibigay-daan sa pagbubuong-diwa; ikatlo, pagpapakahulugan bilang pag-unawa at pagpapalawak sa salin at konsepto; ikaapat, paghahambing ng kinabuoan sa iba’t ibang pananaw, at; panlima, pagmumuni bilang pagkilatis sa kinabuoan.[11]
            Kakikilatisan ang mga halimbawa nito sa kahitikan ng mga kasabihan ng mga Pilipino, samu’t saring kwentong bayan na kinapupulutan ng pananaw-pambuhay nating mga Pilipino. Ani Timbreza, ang ating pananaw sa pamimilosopiya ay makapersonal at hindi hiwalay sa karanasang pantao. ‘Di tulad ng pamimilosopiya ng Kanluranin, wala tayong metapisikang maipagmamalaki.[12] Ngunit, ang bisa ng kaisipan ng Pilipino ay hayagan at masusukat base sa pinahahalagahan natin bilang mamamayan.

Pamimilosopiya sa Laylayan
            Ang pagsasakatutubo ng samu’t saring konsepto ng pilosopiya ay higit na nagbibigay-kulay at progreso sa pag-usbong ng pilosopiya bilang isang mapagpalayang disiplina. Nililinang nito ang ating pag-unawa sa sarili nating kakayahan sa papapalawak ng kasisipang natatanging atin.
            Dahil nga sa ang pag-usbong ng pilosopiya sa kaisipan ng Pilipino ay nakaangkla sa praktika, hindi nananatiling teorya ang sikap at bisa ng pilosopiya. Habang ang pagsikil sa kawalang pakahulugan sa teorya, mas naiintindihan ng payak na tao ang layunin ng pilosopiya: ang makapag-ambag sa pagsulong ng kaalaman. Hindi dapat manatili sa espeho ng iilan ang pag-intindi sa pilosopiya tulad ng nakagisnang basehan ang Kanluran sa pagbabago at pilosopikal na pag-unawa.
           
Ginagamit…ang ideolohiya sa pakahulugang isang sistema ng mga paniniwala, pagpapakahulugan, pagpapahalaga, pananaw bilang kapahayagan ng interes at aspirasyon ng isang partikular na pangkat o uring panlipunan na sumasalamin sa kalikasan ng ugnayang panlipunan na ipinapalagay na dapat panatilihin o ‘di kaya’y baguhin…[13]


Kung tutuusin, ang pagtubo at pagpapalago sa isang pilosopikal na sistema na tunay na Pilipino sa kalikasan ay posible kung ang naisin ng intelektwal na magpapasimula ay tunay na isakonteksto ang pilosopiya at hindi lamang isalin ang tekstong pilosopikal. Kapag tinurang may kakulangan sa pananaw at salin lamang, balewala ang pagtatangka sa pagbubuo sapagkat hindi tunay na nagpapaintindi. Ang pagbubuo ng pilosopiyang Pilipino ay sa katunayan may epistemolohikal na paninimula at sumasangguni sa pagdalumat at pakahulugan. Ang pag-iral ng pilosopiyang Pilipino ay naaayon sa relasyon nito sa kairalan ng kaisipan sa salik ng kultura. Ayon kay Rhod V. Nuncio, “Dahil sa relasyon ng tao ang pundasyon ng epistemolohiyang ito, mahalaga ang wika sa usapin ng pagkatuto, kaalaman at karanasan. Ang interaksyon ng mga tao at ng tao sa paligid, institusyon at iba pa ay nagiging posible batay sa simbolikal at verbal na signifikasyon ng wika. Samakatuwid, ang kaalaman ay diskursibo.”[14] Kung kaya’t ang pakikipagtalastasan sa laylayan ng Kanluran ay siyang nagiging panuring sa ating pagpupursiging bumuo ng isang natatanging kaisipan kahit na ang pwersa ng hegemoniya ay hindi matatagpuan sa atin.
            Sa katunayan, ang tanong ukol sa likas na pwersa ng hegemoniya ay hindi isang suliranin sa ating pakikibahagi, bagkus, ito ang nagsisilbing liwanag ng kaukulang pagbubuo dahil ito ang ninanais nating makamit sa kalikasan ng ating pag-iral. Walang hangganan ang pagbubuo sapagkat patuloy na lumalago ang kaisipan at pagpapakahulugan. Ang ambag ng wika sa hegemoniyang ito ang hinuha ng pagsasakatawan ng kaalaman.
            Sa gayong palagay, ang pananaw ni Quito ay may hangganan, papaanong mananatiling isa ang intindi kung ang pananaw at perspektiba sa pag-intindi ay iba? sa pananaw naman ni Ferriols, hindi dapat manatiling teorya lamang ang pilosopiya, ito dapat ay nagpapanibago at nakakahanap ng kabuluhan sa praktika.
            Nanggigising ang pamamaraang pilosopikal, ito ang nagbibigay-turing sa likot at pagkabalisa ng tao upang patuloy na umalam at kumilos upang alamin ang dapat malaman. May sari-sarili tayong pamamaraan, iyon ang natatanging πράξις ng pilosopiya. Magbubunga ito sa patuloy na pakikipagtalastasan.

Paglalagom
            Hindi natin kailanman mapaghihiwalay ang wika sa kultura sapagkat ito ay natatanging bahagi nito at ng proseso ng pagpapayabong na nauukol dito. Umiiral ang pilosopiyang Pilipino sapagkat kinakasangkapan nito ang natatanging karanasan ng tao bilang ekspresyon ng kanilang dalumat sa persepsyon nila sa mundo.
            Ang kabuoan at paglago ng pilosopiyang Pilipino ay matatagpuan sa intelektwalisasyon ng samu’t saring kaisipang Pilipino na aspeto ng kasaysayan at bahagi ng kulturang Pilipino. Nagpapakahulugan ang kultura base sa balangkas ng pag-unawa na sanggunian nito.


Sanggunian

Bulatao, Jaime C., SJ. Phenomena and their interpretation: Landmark essays 1957-1989. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1992.
David, Randolf S. Nation, self and citizenship: An invitation to Philippine Sociology.          Quezon City: Department of Sociology, UP, 2002.
Dy, Manuel B., Jr. Philosophy of man: Selected readings. Makati City: Goodwill Trading Co., Inc., 2004.
Ferriols, Roque J., SJ. Mga sinaunang Griyego. Quezon City: Office of Research and        Publications, 1992.
Gramsci, Antonio. Selections from the prison notebooks. New York: International Publishers, 2003.
------------. Selections from cultural writings. Massachusetts: Harvard University Press,        1991.
Morales-Nuncio, Elizabeth. Mga talinghaga sa laylayan: Ang mapagpalayang        pedagohiya ng malikhaing pagsusulat at antolohiya ng mga tula ng bukalsining.            (Manila: UST Publishing House, 2005.
Nuncio, Rhoderick V. at Elizabeth Morales-Nuncio. Sangandiwa: Araling Filipino bilang             talastasang pangkalinangan at lapit-pananaliksik. (Manila: UST Publishing        House, 2004.
Que, Nemesio S., SJ at Agustin Martin G. Rodriguez. Pagdiriwang sa Meron: A festival    of thought celebrating Roque J. Ferriols, SJ. Quezon City: Office of Research and             Publications, 1997.
Stumpf, Samuel Enoch. Socrates to Sartre: A history of philosophy. USA: McGraw-Hill,   1999.  
Timbreza, Florentino T. Pilosopiyang Pilipino. Manila: Rex Printing Co., Inc., 1982.
------------. Intelektwalisasyon ng pilosopiyang Filipino. Manila: De La Salle University       Press, 1999.


                [1] Elizabeth Morales-Nuncio, Mga talinghaga sa laylayan: Ang mapagpalayang pedagohiya ng malikhaing pagsulat at antolohiya ng mga tula ng bukalsining (Manila: UST Publishing House, 2005) p. 153.
                [2] Dr. Emerita S. Quito, “Ang sinasabi nila tungkol sa diwang Pilipino” sa Pilosopiyang Pilipino ni Dr. Florentino T. Timbreza (Quezon City: Rex Printing Co., Inc., 1982) p. xvii.
                [3] Fr. Roque J. Ferriols, SJ, “A memoir of six years” sa Pagdiriwang sa Meron: A festival of thought celebrating Roque J. Ferriols, SJ inedit ni Nemesio S. Que, SJ at Agustin Martin G. Rodriguez (Quezon City: Office of Research and Publications, 1997) p. 216. Ang salin ay akin.
                [4] Robert O. Johann, SJ, “The nature of philosophical inquiry” sa Philosophy of man: Selected readings inedit ni Manuel B. Dy, Jr. (Makati City: Goodwill Trading Co., Inc., 2001) p. 7; tingnan din ang sulat ni Samuel Enoch Stumpf ukol kay Maurice Merleau-Ponty patungkol sa batayan ng kaalaman sa Socrates to Sartre: A history of philosophy (USA: McGraw-Hill, 1999) p. 487.
                [5] Roque J. Ferriols, SJ, Mga sinaunang Griyego (Quezon City: Office of Research and Publications, 1999) pp. 13-14.
                [6] Op. cit. Ferriols, “A memoir of six years, ” pp. 216-217. Ang salin ay akin.
                [7] Clifford Geertz, Thick descriptions, p. 214. Ang salin ay akin.
                [8] Tingnan Florentino T. Timbreza, Pilosopiyang Pilipino, p. 5ff.
                [9] Antonio Gramsci, Selections from cultural writings inedit ni David Forgacs at Geoffrey Nowell-Smith (Massachusetts: Harvard University Press, 1985) p. 165. Ang salin ay akin.
                [10] Florentino T. Timbreza, Intelektwalisasyon ng pilosopiyang Pilipino (Manila: De La Salle Univeristy Press, 1999) p. 1.  
                [11] Ibid. pp. 3-5.
                [12] Ibid. p. 7.
                [13] Patricia Melendez-Cruz, Filipinong pananaw sa wika, panitikan at lipunan sinipi ni Elizabeth Morales-Nuncio, Mga talinghaga sa laylayan, p. 65-66.  
                [14] Rhoderick V. Nuncio at Elizabeth Morales-Nuncio, Sangandiwa: Araling Filipino bilang talastasang pangkalinangan at lapit-pananaliksik (Manila: UST Publishing House, 2004) p. 161. 

No comments: